Kinagigiliwan ngayon sa internet ang isang tuta na isinilang sa Sardinia, Italy dahil sa kakaibang kulay ng kanilang balahibo--berde.

Sa ulat ng Reuters, sinabing hindi makapaniwala ang magsasakang si Cristian Mallocci nang manganak ng kulay berdeng tuta ang aso niyang si Spelacchia.

Pinangalanan ang tuta na si "Pistachio" dahil sa berde niyang kulay, na isinilang nitong Oktubre 9 kasabay ang apat pang kapatid na pawang puti ang balahibo.

Ayon sa ulat, bibihira ang ganitong kondisyon para sa isang aso, na nangyayari kapag nalalapat ang isang berdeng pigment na tinatawag na biliverdin sa kulay puting tuta sa sinapupunan ng inang aso.

Ito rin daw ang pigment na nagbibigay ng kulay berdeng kulay kapag nagkapasa.

Gayunman, hindi naman daw magtatagal ang pagiging kulay-berde ni Pistacho dahil mawawala ito sa paglipas ng mga araw at tuluyang mawawala sa kaniyang pagtanda.

Ipamimigay ang mga tuta pero maiiwan si Pistachio at sasanayin para mag-alaga ng mga tupa kasama ang kaniyang inang si Spelacchia.

Para kay Malloci, ang kulay berdeng balahibo ni Pistachio ay sumisimbolo ng pag-asa at swerte ngayong nasa gitna ng COVID-19 pandemic ang mga tao.--Jamil Santos/FRJ,GMA News