Isang lalaki sa Tagaytay City at isa naman sa Puerto Princesa, Palawan ang magkahiwalay na aksidenteng nalunok ang kani-kaniyang pustiso. Mailabas pa kaya nila ang kanilang mga ngipin?
Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing apat na piraso ang ngipin sa pustiso ng tinderong si Jojo na taga-Tagaytay.
Dalawang dekada na raw niyang gamit ang kaniyang pustiso at hindi na rin niya ito tinatanggal kapag natutulog.
Pero isang umaga pagkagising, nasamid si Jojo at aksidente niyang nalunok ang pustiso.
Dinala siya sa ospital pero kailangan niyang maghintay ng dalawang araw bago siya naisalang sa x-ray dahil na rin sa COVID-19 pandemic.
Sa x-ray, lumitaw na nasa esophagus o bandang lalamunan ang pustiso ni Jojo.
Sa Puerto Princesa naman, sumali si Marvin sa contest na pabilisan sa pagkain ng pakwan nang aksidente malunok niya ang pustiso na may kawit at dalawang pirasong ngipin.
Nagbakasakali si Marvin na mailalabas niya ang pustiso kapag dumumi siya pero nang hindi ito mangyari pagkaraan ng limang araw, nagpasya siyang nagpa-x-ray na rin.
Sa x-ray, lumitaw na nasa large intestine o malaking bituka ang kaniyang pustiso at pinayuhan siyang hintayin na lang na kusang lumabas kapag dumumi siya.
Pero inabot na ng tatlong buwan ay nananatili pa rin sa bituka niya ang pustiso kaya nagpasya siyang magpa-x-ray muli.
Mailabas pa kaya sa normal na paraan ang mga pustiso na nalunok o kaya na bang operahan sina Jojo at Marvin? Tunghayan ang sunod na pangyayari sa video ng "KMJS." Panoorin.
--FRJ, GMA News
