Nailigtas ang buhay ng isang lalaking sinaksak matapos gumamit ang isang pulis ng wrapper ng sitsirya at scotch tape para ipantapal sa kaniyang sugat sa New York, USA.

Sa video na kuha ng New York Police Department, na mapapanood din sa GMA News Feed, makikita na duguan at nakasalampak sa gilid ng kalsada ang lalaking biktima.

Tinamaan ang kaniyang baga sa pagkakasaksak sa kaniya.

Maya-maya, rumesponde ang mga pulis, pero dahil walang available na medical kit noong mga oras na iyon, gumawa ng remedyo si Police Officer Ronald Kennedy.

Itinapon ni Officer Kennedy ang laman ng sitsirya saka siya nagpakuha ng tape.

Gamit ang mga ito, tinapal niya ang sugat ng lalaki para tumigil ang pagdurugo nito.

Nanatiling nakatapal sa sugat ang plastic wrapper hanggang sa dumating na ang mga tauhan ng Emergency Medical Services (EMS), at nilagyan ang lalaki ng maayos na bondage.

Itinakbo sa ospital ang biktima kalaunan.

Ayon sa NYPD, isinaad ng isang attending physician sa Harlem Hospital na naisalba ang buhay ng biktima dahil sa aksyon ng pulis.

Hindi agad naglabas ng impormasyon ang NYPD tungkol sa krimen, at kung nahuli ang suspek na nanaksak. -Jamil Santos/MDM, GMA News