Hinihinala ng ilang deboto ng Our Lady of De Los Remedios sa Pangasinan na naghimala ito nang biglang magbago ang kaniyang kasuotan sa larawan at naging blurred naman sa isa pa.

Sa ulat ni Joanne Ponsoy sa GMA Regional TV Balitang Amianan, sinabing walong buwan pa lang ang nakaraan nang mabili ang imahen sa Pampanga.

Pera mula sa donasyon ang ginamit umano sa pagbili ng imahen.

Dahil sa buwan ng pagrorosaryo ang Oktubre, nakagawian nang ilibot ang imahen sa ibat ibang kapilya sa Pangasinan.

Habang inililibot, kinunan ng larawan ang imahen pero napansin nila ang pagkakabago ng kasuotan nito sa magkahiwalay na larawan.

Sa unang kuha, makikita ang detalye sa kasuotan ng imahen, pero nawala na ito at naging puti na lang sa ikalawang larawan.

Nagpakuha rin ng larawan ang ilang deboto na kasama ang imahen na nasa gitna pero naging blurred sa larawan Inang Maria.

Hinala ng deboto na si James Manglinong, baka may nais ipahiwatig ang Inang Maria.

"Siguro po yung araw-araw na pagdarasal ng santo rosaryo. Tapos paghingi po ng pakumbaba, patawad. Tapos po yung nangyayari ngayong pandemic," saad niya.

Sabi naman ni Fr. Allan Lopez, parish priest ng Minor Basilica of Our Lady of the Rosary of Manaoag, mayroon mensahe na ipinapahiwatig kapag sinabing mayroong himala na nangyari.

Ipinaliwanag naman ng professional photographer na si Allan Nacpin, sadyang posibleng mangyari ang nangyari sa larawan ng imahen.

Ayon kay Nacpin, camera sa cellphone ang ginamit sa pagkuha ng larawan ng imahen na may dual camera at tinatawag na "focus map."

Sa pagiging blurred ng larawan ng imahen, ipinaliwanag ni Nacpin na hindi napili ng artificial intelligence ng camera ang imahen bilang focus subject at itinuring niyang background image ang imahen kaya naging blurred.

Sa pagbabago naman ng kasuotan ng imahen, sinabi ni Nacpin na nagkamali ng selection ang camera at puti lang ang lumabas nang posibleng nailawan ang metallic part ng kasuotan ng imahen.

Kamakailan lang, nag-viral sa social media ang larawan naman ng isang pamilya nang mapansin ng netizens ang tila imahen ni Hesukristo sa isang bundok na kanilang ginawang background sa Talisayan, Misamis Oriental.--FRJ, GMA News