Sa kabila ng kanilang gender preference, sinelyuhan ng isang gay at lesbian couple ang kanilang pagmamahalan sa pamamagitan ng kasal sa Simbahan Katolika sa Misamis Oriental.

Sa ulat ni James Paolo Yap sa GMA Regional TV News nitong Huwebes, sinabing naganap ang pag-iisang dibdib nina Chikita at Gabgab Escoto sa Our Lady of Guadalupe Parish sa bayan ng Villanueva.

Sa kanilang prenup photos, makikita ang gay na si Chikita na siyang nagbihis ng gown bilang bride.

Astig naman sa suot na barong tagalog ang lesbian na si Gabgab, na pormang groom.

Pero sa araw ng kanilang kasal, isang magandang bride sa suot niyang gown si Gabgab. Todo porma naman si Chikita bilang groom sa kaniyang suot na coat and tie.

Napag-alaman na dalawang taon nang magkarelasyon ang dalawa at mayroon na silang isang anak na pitong buwan gulang.

Ayon sa dalawa, ang kanilang anak ang naging inspirasyon nila para magpakasal sa simbahan.

Pinuri naman ni Fr. Der John Faborada, head ng Social Action Center ng Archdiocese of Cagayan de Oro, sina Chikita at Gabgab dahil sa pagpapahalaga nila sa sakramento ng kasal. 

Nagpapasalamat din ang bagong kasal sa ibinigay na suporta sa kanila ng kanilang mga mahal sa buhay.--FRJ, GMA News