Sa halip na itapon, ibinenta na lamang sa bagsak-presyong halaga ng isang ginang ang mga mamahalin at branded na pre-loved items ng kaniyang mister na "sumakabilang-bahay" at iniwan ang kanilang pamilya.

Ayon sa isang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," isang taon na naging magkarelasyon sina Jamille at ang ex niya na si "Philip," hindi tunay na pangalan.

Bago sila nagpasiyang magsama, nagkaroon muna sila ng tatlong anak.

Pero mula sa magandang pagsasama, unti-unting tumabang ang relasyon nina Jamille at Philip bilang mag-partner.

"Aayain ko pong kumain, ayaw niyang kumain. 'Yung yayakagin ko po siya, sasagutin niya ako na 'Bakit ba?' Walang ka-concern-concern. Pinaparamdam niya sa akin na hindi na niya ako mahal," kuwento ni Jamille.

Nakahiligan daw noon ng kaniyang mister na bumili ng mga branded na gamit. Ngunit kalaunan, hindi lang sa pag-shopping natuon ang pansin ni Philip, kundi nakikipag-chat na rin umano ito sa ibang babae.

Ayon pa kay Jamille, dumating pa sa puntong siya pa ang inaway ng babae ni Philip at sinabihang "home wrecker." Dahil dito, naging madalas na ang kanilang pagtatalo.

Nakunan sa CCTV nitong Marso 20 ang pag-aaway nila, kung saan makikitang hindi nakapagpigil si Philip at hinampas ang nakasabit nilang painting sa mesa. Matapos nito, tinapik ni Philip ang kamay ni Jamille.

"Iyak po ako nang iyak. 'Ayusin natin ang pamilya natin.' Sabi niya 'Hayaan mo na kasi ako. Hindi na ako masaya,'" kuwento ni Jamille.

Ayon pa kay Jamille, bago ang huli nilang away ni Philip, tatlong beses na niya itong nahuling nambababae.

Nagmakaawa rin ang panganay nilang anak na huwag umalis si Philip.

"'Yung panganay po namin, sobrang papa's boy. Nag-message po 'yung anak ko sa kaniya, 'Please come back. I cannot live without you. I love you so much. Stay with us.' Wala lang sa kaniya," ani Jamille.

Hindi na raw napigil na umalis ni Philip kahit na magdiriwang ng kaarawan ang kanilang anak noong Marso 23.

Kaya sa halip na magmukmok kapag nakikita ang mga gamit ng mister na nagpapaalala sa kaniya, ibinenta niya ang mga ito.

Ang ang polo ni Philip na P6,000 hanggang P8,000 na orihinal na presyo, ibinenta ni Jamille starting price na P200. Ang sapatos ding nasa P25,000 ang halaga, nakuha sa halagang P16,100.

Sa pagbebenta ni Jamille ng mga gamit ng dati niyang partner, nakalikom siya ng aabot sa P200,000.

Pero ayon sa civil and criminal law practitioner na si Atty. Jun Lim, posibleng mademanda si Jamille ng pagnanakaw o theft dahil sa ginawa niyang pagbebenta ng personal na gamit.

Gayunman, maaari ring magreklamo si Jamille ng violation against women and children laban sa kaniyang asawa dahil nagdulot ito ng psychological violence sa kaniya.

Kahit hindi kasal, puwedeng magsampa ng demanda laban sa lalaki dahil sa psychological violence na sanhi ng pambababae niya.--FRJ, GMA News