White plastic pala at hindi multong "white lady" ang nakita sa kalye ng isang nahintatakutang motorista sa Davao City.

Sa ulat ng GTV "State of the Nation," inihayag ng motoristang si Warren Labadan, na matinding takot ang naramdaman niya nang makita sa daan sa Puan Bypass Road, ang tila nakalutang na puting imahe sa kalsada.

READ: Rider, nakalawit sa nakalaylay na kable sa kalsada

Sa larawan na ini-upload ni Labadan sa social media, posible ngang isipin na "white lady" ang pigura ng maputing bagay na kaniyang nakunan.

Pero kapag tinitigan nang mabuti, isa pala itong plastic na supot na nakasabit na nakalaylay na kable.

Inilagay daw ang naturang plastic sa kable para makita at mabigyan ng babala ng mga dumadaan na motorista. --FRJ, GMA News