Bukod sa "babaeng itim," ginagambala umano ang isang dalaga ng mga ingay tulad ng "tricycle" na bumubusina at bumabangga sa bahay ng kaniyang lola sa Cabanatuan pero wala naman siyang nakikita. Nang suriin ni paranormal researcher Ed Caluag, natuklasan niya ang dahilan ng naturang mga ingay. Alamin.

Sa programang "Dapat Alam Mo!," sinabi ni Thaddea Faye Quijano, 21-anyos, na mayroon siyang nakikitang misteryosong babae na naglalakad sa kanilang bahay.

Nang minsang natutulog siya, bigla raw hinila ng kakaibang nilalang ang kaniyang paa.

"Hinihila niya po 'yung paa ko. Tapos tuwang-tuwa pa siya na gustong-gusto niya akong kunin," sabi ni Quijano. "Noong nilalagnat na po ako nagpaalbularyo po ako, hanggang sa nagpatak sila ng kandila, nakita po babaeng itim."

Gayunman, ikinakatakot din ni Quijano ang misteryosong ingay sa loob ng kanilang bahay na tila tunog ng umaandar na tricycle at bumubusina pa.

"Sabi sa akin ng lola ko 'yun ang tricycle na lagi nilang nakikita o nasisilayan, na biglang lalagpas sa may CR. Actually naririnig ko po 'yun, tapos bigla ko na lang maririnig na parang... may malakas na mabubunggo sa may pader na sobrang ingay. Tapos may biglang may bumusina," kuwento niya.

Ayon kay Quijano, matagal na ring nararamdaman ng mga nakatira sa bahay ang tila pagbangga ng tricycle.

Nang suriin ni paranormal researcher Ed Caluag ang bahay, kinumpirma niya na mayroong presensiya ng naturang mahiwagang babae.

Pero ayon kay Caluag, ang mga naririnig o nagpaparamdam kay Quijano ay mga alaala ng nakaraan.

"Kung babalikan natin ang nakaraang panahon, mga kuwento tungkol doon sa naglalakad, ito ay may kinalaman sa panahon pa ng giyera. Maaaring ang area na ito ay pinagtaguan ng mga Hapon o ng mga tao noong panahon ng giyera," sabi ni Caluag.

"Ang mga bumabagsak na iyan, 'yan ay memories noong panahon ng Hapon, kung ano 'yung mga gamit nilang itinatambak diyan," dagdag ni Caluag.

Kinumpirma naman ni Jonathan Yala, Brgy. Secretary ng Kalikid Sur, na ikinuwento ng kanilang mga lolo at lola na ang kanilang lugar ay nagsilbing garrison o kulungan noon ng mga Hapon nang panahon ng digmaan.

"Halos maraming mga Pilipinong sundalo o guerilla, mga Amerikano at saka mga Hapon ang namatay dito sa aming lugar," sabi ni Yala.

Ayon kay Caluag, mayaman sa alaala ng nakaraang ang naturang lugar.

"Ito ay mga event na nangyayari noon na nauulit-ulit. Ito 'yung mga alaala na hindi maputol-putol. All in all hindi naman dapat katakutan kasi hindi naman nananakit, kasi alaala lang ito," paliwanag ni Caluag. --FRJ, GMA News