Viral ang isang single mother sa Amerika dahil mula sa mahigit 300 pounds niyang timbang noon, glow up na siya ngayon nang makapagbawas ng 130 pounds dahil sa pagpupursigi sa workout at disiplina sa pagkain.

Sa GMA News Feed, sinabing nadagdagan ang timbang ni Kimberly Nestorick ng 100 lbs o 45 kg sa gitna ng COVID-19 lockdown noong nakaraang taon. Ang resulta, umabot siya ng mahigit 300 lbs o 136 kg.

Naging emotional eater umano si Nestorick o napaparami ang kaniyang kain sa tuwing nakararamdam siya ng stress o pagkabalisa.

"I need to figure how I can without using food as a way to do so," sabi ni Nestorick, na hindi na napansin noon ang mabilis na pagbigat ng kaniyang timbang.

Hanggang sa isang araw nang dalhin niya ang kaniyang anak sa family day, nakita niya ang kanilang mga litrato.

"After seeing myself in those pictures I knew I needed to get healthy - for myself and for my daughter," saad niya.

Hindi ito naging madali kay Nestorick dahil hanggang 50 lbs o 22 kg lang ang kaniyang weight loss noong mga nakaraang taon.

Pero dinoble ni Nestorick ang kaniyang pagwo-workout at namalagi siya sa gym anim na beses sa isang linggo.

Naging mas istrikto rin siya sa kaniyang pagkain.

Makalipas ang halos isang taon, mahigit 130 lbs o 58kg na ang nawala kay Nestorick at tila mas magaang na ang kaniyang pakiramdam.

Higit sa pisikal na transformation, mas maayos nang nagagampanan ngayon ni Nestorick ang pagiging isang ina.

"I feel healthier and happier. I recently visited a ride in an amusement park that just last year I was too big to ride - it was so embarrasing. Now I can go on rides and participate in things with my daughter that I never could have before," sabi niya.--FRJ, GMA News