Dahil sa pagpapakita umano sa panaginip ng yumaong ina, nadiskubre ng isang amo sa Talisay City, Cebu na nawawalan sila ng mga alahas. At ang mga nawawalang alahas, nakitang suot ng kanilang kasambahay sa selfie na ipinost nito sa social media.

Sa video ng GMA News Feed, sinabing kabilang umano sa mga nawawalang alahas ay mga kuwintas, bracelet, relo, at ilang pares ng hikaw na aabot ang kabuuang halaga sa P200,000.

Ayon sa pulisya, nalaman ng biktima na may nawawala silang alahas nang "magpakita" sa panaginip ang kaniyang namayapang ina.

“Bale ang mama [ina] niya talaga ang may-ari ng mga gamit na iyan. Parang sinabihan siya sa panaginip na ang kaniyang mga gamit pakitingnan. Kaya tiningnan niya, tapos pagtingin niya, kulang na,” sabi ni Talisay City Police Police Captain Jose Nilo Abello.

Habang hinahanap umano ng biktima ang mga alahas, nakita niya ang mga selfie ng kasambahay habang suot ang mga alahas.

Inamin naman ng kasambahay na si Maricel Degamo, na kinuha niya ang mga alahas, pero hindi raw niya intensyon na nakawin ang mga ito.

Hindi rin daw alam ng kasambahay na tunay ang mga alahas.

“Mayroon silang negosyo noon ng kaniyang Mommy, iyong mga alahas na fashion-fashion lang, hindi tunay. Naniwala lang din ako na… kasi paglinis ko marami kasing nakakalat lang sa kanilang kuwarto,” paliwanag ng suspek.

“Kaya sinuot ko lang din. Naniwala lang din ako na wala siguro ito kasi makikita naman niya ako, friends naman kami, makikita niya kapag nagpo-post ako,” depensa pa niya.

Inaresto at idinetine sa presinto ang kasambahay matapos na magsampa ng reklamo ang amo laban sa kaniya.

Humingi ng patawad si Degamo sa kaniyang amo.

“Patawarin niya lang sana ako kasi ginawa ko lang naman ang sinabi niya na isauli lang at naisauli ko naman,” aniya.

“Sinabihan ko talaga siya kahapon na, ‘Ma’am hindi ko talaga inakala na mamahalin pala iyang mga iyan kasi hindi ko naman kabisado. Kasi kung intensyon ko pa lang na ibenta iyan, matagal ko na sana ginawa,” paliwanag pa niya.

Ayon sa pulisya, may nawawala pang mga alahas ang biktima na aabot sa P15,000 ang halaga.

“Dapat nagtanong siya kung ano ang mga ito. Pero ang pinakaano talaga kapag kasambahay ka huwag ka talagang makialam. Mamahalin man iyan o hindi, huwag mong pakialaman,” ani Abello. --Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News