Sa pamamagitan ng pagmanipula sa DNA, nagawa raw ng mga siyentista sa Harvard University sa Amerika na patandain ang mga daga, at muli itong napabata sa pamamagitan ng pagreporma sa kanilang cells. Ito na kaya ang sagot sa tinatawag na "fountain of youth?"

Sa ulat ng Next Now, mapapanood sa isang video ang dalawang daga na sinasabing magkaedad pero kapansin-pansin na mas bata histsura ng isa.

Pinangunahan ni Dr. David Sinclair ang pananaliksik, at tinutukan daw ng kanilang team ang epigenome ang mga daga.

Ang epigenome ay nagbibigay umano ng instruction sa mga cell na magkaroon ng iba't ibang functions sa organs.

Sinabi ng mga mananaliksik na ang pagtanda ay resulta ng problema sa epigenetic instructions sa cells.

Para mapatunayan ito, minanipula daw ang DNA ng mga batang daga at nagkaroon ang mga ito ng signs of aging gaya ng pagputi ng mga balahibo at pamamayat.

Ang mga napatandang daga ay isinailalim sa gene therapy kung saan nireprogram ang instructions sa kanilang cells at matagumpay silang napabatang muli.

Pinag-aaralan na ng team kung gagana rin ang proseso sa non-human primates.

"Genetic information is the hardware and the epigenome is the software... We think aging is due to corrupted software, that can be rebooted to restore youth," sabi ni Dr. Sinclair ng Harvard Medical School. —Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News