Umaatikabong habulan ang nangyari sa Atlanta, Georgia sa Amerika nang itakbo ng isang motorista ang police car na gamit ng pulis na sumita sa kaniya. Ang police car, nasalpok ng tren kinalaunan.

Sa video ng GMA News Feed, sinabing unang sinita ng pulis ang motoristang suspek na nakilala kinalaunan na si Mickal Parker, 29-anyos.

Hindi binanggit kung bakit sinita ng pulis si Parker, pero habang kinakausap siya ng pulis sa kaniyang sasakyan, biglang kumaripas ng takbo ang suspek patungo sa police mobile at itinakas ito.

Kaagad naman humingi ng saklolo ang naiwang pulis at iniradyo ang pangyayari. Kaya hinabol ng ibang awtoridad si Parker at nakasubaybay din ang helicopter ng pulisya para hindi tuluyang makatakas ang suspek.

Pero pagdating sa riles, tumagilid ang police car na itinakas ni Parker. Wala namang nakikita ang helicopter ng taong lumalabas mula sa patrol car.

At nang makita na may paparating na tren, maingat na lumapit ang mga pulis para mailabas mula sa sasakyan ang suspek.

Ilang minuto lang matapos mailabas si Parker, nasalpok na ng tren ang police car.

Ligtas si Parker na nagtamo lang ng minor injuries, pero mahaharap siya sa patong-patong na kaso.

Hindi binanggit kung bakit tinangay ni Parker ang police car. Pero umani ng papuri ang ginawa ng mga pulis na nagsikap na iligtas ang suspek mula sa loob ng sasakyan upang hindi madisgrasya sa sagasa ng tren. --FRJ, GMA Integrated News