Makapigil-hininga ang pagsagip ng isang pulis at isang good Samaritan sa isang driver na nawalan ng malay nang maaksidente at magliyab ang minamaneho niyang kotse sa Las Vegas, USA.

Sa video na naka-post sa Youtube ng Las Vegas Metropolitan Police, na kuha mula sa CCTV camera, makikita ang isang puting kotse na nakasampa sa center island malapit sa Las Vegas Boulevard at Siegfried at Roy Drive.

Makikitang umuusok na ang hood ng sasakyan habang nagkukumahog ang pulis at sibilyan na matulungan ang driver ng kotse.

Ilang segundo lang matapos nilang mahatak ang driver palabas ng sasakyan, nagliyab na ang kotse.

Ayon sa caption ng video, nangyari ang insidente ng nakaraang Biyernes (araw sa Amerika). Dinala sa ospital ang driver.

Pinuri nila ang mabilis na pagkilos ng kanilang pulis at ang sibilyan upang masagip ang buhay ng driver.

Natusta naman sa apoy ang halos kalahati ng sasakyan na naapula lang nang dumating na ang mga bumbero. --FRJ, GMA Integrated News