Humingi ng tulong sa mga kabaro ang isang pulis para arestuhin ang kaniyang misis na pulis din habang kasama sa loob ng isang inn sa Talibon, Bohol ang umano'y kalaguyo nito na isa ring pulis.

Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Miyerkules, sinabing naghihinala na ang mister na pulis sa kaniyang misis kaya sinundan niya ito nang umalis hanggang sa pumunta sa isang inn sa Talibon.

Doon na humingi ng tulong sa mga kabaro ang mister na pulis at naaktuhan umano ang misis at kalaguyo nito sa loob ng kuwarto ng inn na walang mga saplot, ayon sa pulisya.

Napag-alaman na nakatalaga sa Regional Police Holding Assistance Service (RPHAS) sa Regional Office in Central Visayas (PRO-7) ang misis na pulis.

Samantalang ang 37-anyos na pulis na umano'y kalaguyo ng misis, nakatalaga naman sa Regional Personnel and Records Management Division (RPRMD sa nasabi ring regional office ng kapulisan.

Habang ang mister na pulis, nakatalaga sa Provincial Mobile Force Company (PMFC) ng Cebu Police Provincial Office (CPPO).

Nakadetine ang dalawa na mahaharap sa reklamong adultery.--FRJ, GMA Integrated News