Maselan ang kalagayan ng sanggol na isinilang sa Maragusan, Davao De Oro na may dalawang ulo pero isa lang ang katawan. Ang donasyon na pera mula sa netizen para sana sa operasyon ng kambal, natangay pa ng scammer.

Sa ulat ni Kent Abrigana sa GMA Regional TV News nitong Huwebes, sinabing isinilang ng 18-anyos na ina ang conjoint twins noong Marso 23.

Dahil sa maselan ang kalagayan ng kambal na lalaki, dinala ang sanggol sa Davao Regional Medical Center sa Tagum City.

Ayon sa ama ng kambal na si Justen Silguera, nilagyan ng tubo ang kaniyang mga anak dahil hirap sa paghinga.

Sinabi ng mga duktor sumusuri sa kambal na inaalam pa nila ang mga organ ng mga bata. Sa ngayon, bukod sa dalawang ulo, dalawa rin  ang esophagus ng kambal, dalawa ang puso, at dalawa ang baga.

Matapos lumabas sa social media ang kalagayan ng kambal, nagbigay ng tulong pinansiyal ang mga netizen na umabot sa P50,000.

Ayon sa tiyahin ng kambal, nalimas ang naturang pera nang may tumawag sa kanila na lalaki na nagpakilalang taga-Department of Social Welfare and Development.

Sasagutin umano ng DSWD ang operasyon ng bata pero hiningi nito ang OTP ng kanilang e-wallet account. Nang kanilang ibigay, naglaho na ang pera at hindi na makontak ang lalaki.

Nakipag-ugnayan na ang DWSD sa pamilya ng kambal at nagbigay sila ng paunang tulong na P5,000.

Nagpaalala din ang DSWD na huwag kaagad maniniwala sa mga nagpapakilalang tauhan nila at nanghihingi ng mga personal na impormasyon, pati ang account sa e-wallet.

Nai-report na sa pulisya ang insidente.--FRJ, GMA Integrated News