Walang takot na sinusungkit ng mga Ilokano ang bahay ng mga abuos o weaver ants dahil sa mga itlog nito na delicacy na, puwedeng pagkakitaan pa.

Sa kuwentong Dapat Alam Mo! ni Susan Enriquez, sinabing hindi iniiwasan ng ilang residente sa San Juan, Ilocos Sur ang mga pulang langgam na masakit kung mangagat para makuha ang maliliit at tumpok-tumpok na itlog ng mga ito.

Ang mag-inang Cornelia at Dyesebel Rosario nakahanda para manguha ng itlog ng abuos sa pagsikat pa lamang ng araw.

Wala silang anumang suot na protective gear kundi sako at panungkit lamang ang dala-dala dahil sanay na sila sa pangunguha ng itlog ng abuos.

Ayon kay Cornelia, edad 15 siya nang makita ang kaniyang ina na kumukuha ng abuos. Ayon sa kaniya, hindi naman delikado ang kagat ng abuos kaya hindi nakakatakot.

Kadalasang puno ng acacia ang kanilang pinupuntahan at sinisipat kung may bahay ng abuos.

Kapag nahanap na ang bahay, tataktakin ito ng mag-ina hanggang sa malaglag ang mga itlog saka maingat na ilalagay sa bilao at hahayaang tumakbo ang mga langgam.

Kung minsan naman, napipilitan silang sunugin ang mga langgam.

Bukod sa pantawid-gutom, naging kabuhayan na rin ng kanilang pamilya ang pagbebenta ng itlog ng abuos.

Agad nilang iluluto ang mga nakuhang itlog, dahil mabilis itong nabubulok kung hindi agad lulutuin.

Paborito nilang putahe ang ginisang abuos at ang specialty na Dinengdeng.

Paliwanag ng mga eksperto, hindi nakasasama sa kalusugan ang pagkain ng itlog ng abuos.

“‘Yung nakakain nila they believe that it was the egg but in reality, halo-halong stages ‘yon. Mas marami ‘yung larva doon tsaka ‘yung pupa, pero nakahalo rin doon ‘yung egg saka adult,” paliwanag ng entomologist/pest management professional na si Daryl Hernandez.

“Just like other insects, they are rich in protein. Based on studies, ang larva saka pupa are seven grams per 100 grams ng protein. Promising siya as food of the future,” dagdag ni Hernandez.

May paalala naman ang mga eksperto na mga predator ng iba pang insekto ang weaver ants kaya nagiging detrimental ang labis na pangongolekta sa kanilang mga itlog.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News