Hindi lang nakaligtas sa pagbagsak ng eroplano na kanilang sinasakyan, nakaligtas din ang apat na bata--edad 11-buwan, apat na taon, siyam na taon, at 13 taon--sa masukal na kagubatan na kanilang binagsakan sa Colombia. Ang mga bata, nasagip pagkaraan ng mahigit dalawang linggo.

Sa ulat ng Reuters, sinabi ni President Gustavo Petro na mula sa Indigenous community sa Colombia ang mga bata at bumiyahe sakay ng Cessna plane, kasama ang tatlong nakatatanda, kabilang ang piloto.

Nitong nakaraang Mayo 1, habang patungo ang eroplano sa pagitan ng Araracuara, probinsiya sa Amazonas at sa lungsod ng San Jose del Guaviare sa Guaviare, nagradyo ang piloto na pumalya ang makina ng sasakyan.

Nagsagawa ng search and rescue mission ang mga awtoridad at nakita ang mga bata sa masukal na kagubatan sa lalawigan ng Caqueta pagkaraan ng mahigit dalawang linggong paghahanap.

"After arduous searching by our military, we have found alive the four children who went missing after a plane crash in Guaviare. A joy for the country," sabi ni Petro sa mensahe niya sa Twitter.

Nasawi naman ang tatlong nakatatanda na kasama ng mga bata. Nakita ang katawan nila sa loob ng erolano.

Batay sa paunang impormasyon, hinihinala ng civil aviation authority, na nagsagawa ng koordinasyon sa rescue mission, na posibleng naglakad ang mga bata sa masukal na gubat sa paghahanap ng taong makatutulong sa kanila.

May nakita ang mga rescuer na mga prutas na kinain at silungan ng mga bata na gawa sa kung anong materyales na makikita sa gubat.—Reuters/FRJ, GMA Integrated News