Nalagay sa alanganin ang buhay ng isang gasoline boy matapos siyang madaganan at maipit sa nagliyab na fuel dispenser. Natumba ang fuel dispenser makaraang mabangga ng umaatras na sasakyan sa isang gasoline station sa Hanoi, Vietnam. Makaligtas kaya siya? Alamin.
Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, makikita ang kuha ng CCTV camera na abala ang gasoline boy habang nilalagyan ng gas ang isang motorsiklo.
Ngunit hindi niya napansin ang isang umaatras na SUV at nabangga nito ang fuel dispenser na ginagamit ng gasoline boy.
Sa lakas ng pagkakabangga, natumba ang fuel dispenser at nadaganan ang gasoline boy. Hindi nagtagal, nagliyab na ang fuel dispenser habang nasa ilalim ang biktima.
Mabuti na lang at bahagyang kumalang ang fuel dispenser sa isang motorsiklo na natumba rin kaya nagkaroon ng espasyo ang gasoline boy para makagapang palayo sa apoy.
Tanging laylayan ng kaniyang pantalon at sapatos ang nagliyab. Bagaman nagtamo siya ng paso, hindi naman ito malubha.
Isa namang empleyado ang mabilis na kumilos para patayin ang sunog gamit ang fire extinguisher kaya naagapan ang mas malala sanang trahediya.
Iniimbestigahan umano ng pulisya ng Hanoi ang insidente. – FRJ GMA Integrated News
