Tumilapon mula sa kaniyang motorsiklo at nagtamo ng sugat sa leeg ang isang binatilyong rider matapos siyang sumabit sa nakalaylay na kable umano sa isang lansangan sa Barangay Guiwan sa Zambonga City noong nakaraang buwan.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ipinakita ang peligro ng mga nakalaylay na kable ng telco sa lansangan nang sumabit at biglang malaglag ang isang container van na nakasakay sa trailer truck sa nabanggit na barangay.
Ayon sa awtoridad, walang laman ang container van kaya medyo magaang ito. Mayroon din umanong mechanical error sa pagkakakabit ng container van kaya madali itong nakalas mula sa truck.
Sa video na kuha ng rider na si Marben Saavedra, makikita na nalaglag patagilid ang container van habang umaarangkada ang truck.
Mabuti na lang na walang sasakyan na nasa tabi ng truck kaya walang nabagsakan.
Napag-alaman na matagal nang ipinapanawagan ng mga motorista, lalo na ng mga rider, na ayusin at alisin ang mga nakalaylay na kable sa daan dahil sa panganib na idudulot nito.
Noong Oktubre 18 sa kaparehong kalsada, naranasan ng isang binatilyong rider ang peligro sa mga nakalaylay na kable nang sumabit ito sa leeg niya habang bumibiyahe.
Kuwento ng saksi na si Aldween Eduard Dandan, nakita niyang natumba na lang ang motorsiko at tumilapon ang rider.
Mapalad na nakaligtas ang rider at nagawa pang makatayo. Pero makikita umano na nakahawak ito sa leeg na unang inakala na nagkaroon ng bale sa leeg.
Pero nang silipin ang kaniyang leeg, nakita na mayroon siya hiwa o sugat, at marka na kulay itim na tila sunog.
Hindi kalayuan sa lugar kung saan natumba ang rider, may nakalaylay na kable na hinihinalang sumabit sa leeg ng biktima.
Ayon sa magulang ng biktima, ligtas na ang kaniyang anak at naghilom na ang sugat nito sa leeg.
Ilang araw bago ang naturang insidente, napag-alaman na isang rider din ang sumabit sa nakalaylay na kable. Ngunit hindi gaya ng binatilyong rider na nakaligtas, nasawi ang naunang biktimang rider na isang ama matapos din siyang tumilapon mula sa kaniyang motorsiklo.
Ayon sa anak ng biktima, hinihintuan ng kaniyang ama na isang lineman ang mga nakalaylay na kable at ipinapuputol ang mga ito dahil batid niya na mapanganib ito sa mga katulad niyang motorista.
Hindi raw nila akalain na ito rin ang kikitil sa buhay ng kaniyang ama.
Inihayag naman ng telco sa isang pahayag na, “We also remain committed to keeping our communities connected and safe. We welcome the public’s vigilance, as we also reiterate our resolve to attend to any situation that might compromise out people’s welfare.”
Sa mga kailangan ng agarang atensyon, hinikayat ng telco itawag ito sa kanilang hotline na: 164.
Samantala, sinabi naman ng lokal na pamahalaan na aabutin ng anim na buwan hanggang isang taon ang ginagawang pagsasaayos sa mga nakalaylay na kable.
Pinayuhan ng mga awtoridad ang mga motorista na laging maging maingat at alerto habang tinutugunan ang naturang problema.—FRJ GMA Integrated News
