Filtered By: Topstories
News

Ube, may biyayang hatid sa ilan nating mga kababayan


May biyayang hatid daw ang ube para sa ilan nating mga kababayan. Si Mang Lamberto Belan na tubong Laguna, ube halaya raw ang nag-paangat sa kanilang buhay.

Ang iba pang kwento ng pag-asenso dahil sa ube, alamin!

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ibinahagi ni Mang Lamberto ang proseso ng paggawa nila ng kanilang classic ube halaya.

“Kapag ganon na ‘ber months’ na tayo lumalaki ang order ng aming trabaho. 24 hours kaming nagtatrabaho. Ang aming nagagawa sa isang araw umaabot siya ng mga 5,000 pataas,” aniya.

Sa bahay ni Mang Lamberto sa San Pablo, Laguna ginagawa ang ube halaya na niluluto gamit ang naglalakihang mga kawa.

Ang gamit nilang mga ube inaangkat pa raw mula Quezon at Batangas

Aabot sa P45 kada piraso ang benta ni Mang Lamberto sa ube halaya.

Dahil daw sa hamak na ube halaya, si Mang Lamberto ay nakapagpatapos ng anak, nakapagpatayo ng bahay, at nakapagpagawa pa ng sariling production area.

Hinalukay naman mula sa baul ng kanilang ninuno ang ube halaya recipe ng tubong Pasay City na si Charlene Mabanag.

Ayon kay Charlene, siyam na dekada na nilang niluluto ang kanilang recipe. Katunayan nga raw, ang gamit nilang wooden spoon sa paghahalo sa ube halaya ay namana pa nila sa kanilang ninuno.

“From 1930’s po ‘yung recipe po ng lola ng lola ko. Bata pa lang kami ginagawa na rin po namin ‘yun,”

Ang bentahe naman daw ng kanilang ube halaya ay saktong tamis, chewy at roasty ang flavor nito.

Dagdag pa ni Charlene, bonding time na rin daw ng kanilang pamilya ang paggawa ng ube halaya dahil may kaniya-kaniya silang toka sa kusina.

“’Yung paghahalo ng ube, daddy ko lang po talaga ‘yung nakaka-master nu’n. ‘Yung father ko po kasi ay bulag. Kahit na disabled po siya, gusto niya lagi siyang involved,” saad pa niya.

Sinabi ni Charlene na nagbebenta sila ng ube halaya at ube jam, na nakasilid sa plastic container at lata.

Ang presyo ng kanilang produkto ay mula P80 hanggang P500.

Samantala, ang mga ipinagmamalaking ube ng mga Jagna, Bohol wala sa lata o llanera dahil nakasilid raw ito sa bao ng niyog.

Ayon sa Manager ng Jagna Calamay Makers Cooperative na si Mariebel Montes Bucog, malagkit at madikit at perfect daw pantanggal sa umay ang kanilang Ube Calamay.

“Pag-open mo mabango siya. Tapos mabango pa ‘yung ube, ma-tempt kang kainin. Pwede siyang i-scoop directly tapos kainin or i-spread sa tinapay,” ani ni Mariebel.

Gawa daw ang ube calamay sa malagkit na tinimplahan na gata ng niyog. Pero ang nagpapasarap daw dito, ang nilalagay nilang ube flavoring.

“Hindi ube tubers ang ginagamit ng calamay kasi ‘yung ube tubers is mabigat. Tatalunin niya ‘yung elasticity ng malagkit. Ang calamay recipe po is nanggagaling sa isang Spanish… assigned po dito sa Jagna before World War 1800s. Ito ‘yung naipasa din kasi ‘yung niyog na ginagamit dati, ‘yun din ‘yung lalagyan nila ng calamay,” paliwanag pa ni Mariebel.

Samantala, hindi raw kumpleto ang punta sa Baguio City kung hindi ka mag-uuwi ng sikat nilang pasalubong na Good Shepherd Ube Jam.

Produkto ng mga madre mula sa Good Shepherd Convent sa Baguio City ang ube jam.

“Simula po nu’ng 1976 nakilala po ito sa masa, nilipat-lipat ‘yung balita… ang ube ng Baguio ay masarap, malinamnam,” pahayag ng Good Shepherd HRD officer na si Leonila Dontogan.

Sinabi ni Leonila na ang ani mula sa bayan ng Sablan sa Benguet ang ginagamit nilang ube.

Idinederetso ang naipon nilang mga ube sa kanilang pabrika kung saan ang mga gumagawa ay mga estudyanteng iskolar ng mga madre.

Sa kanilang sikat na ube jam, ilang henerasyon na ng mga iskolar ng mga madre ang nakapagtapos ng kolehiyo.

“Malaki po ‘yung naitulong ng Good Shepherd mula noon. Pagmamahal na rin po ang inaalay namin sa paggawa ng ube,” ani Wilma Aldibas, isang student worker. -- Mel Matthew Doctor/BAP, GMA Integrated News

LOADING CONTENT