ADVERTISEMENT

Money

‘MAY SUKLI KA PA’

P500 sapat na daw para sa noche buena ng pamilya

By GMA Integrated News

Inihayag ng Department of Trade and Industry (DTI) na sapat ang P500 para makapaghanda ng Noche Buena ang isang pamilya na may apat hanggang limang miyembro sa kapaskuhan.

Sa ulat ni Bernadette Reyes sa Balitanghali nitong Miyerkoles, sinabing nag-ikot ang ilang opisyal ng DTI sa mga pamilihan sa Pasig City para masuri kung kaya pang makapaghanda ng noche buena sa halagang P500.

Dagdag ng ahensya, diskarte lamang ang kailangan sa pamimili, tulad ng pagbili ng mga bundled items, at malaking tulong din ang price guide ng mga noche buena item na kanilang inilabas para pagbasehan ng presyo.

Sa halagang P500, makapaghahanda na ng spaghetti bundle (P112), salad bundle (P116.50), Pinoy pandesal (23.50), keso (P41.75), ground pork (P31.25) at hamon (P163) na sumatotal P488.

ADVERTISEMENT

Sinabi ni DTI undersecretary Ruth Castelo na kasya rin ang P500 pambili ng mga pangunahing bilihin gaya ng pang-araw-araw na pagkain, kahit pa pumalo sa 8% ang inflation rate noong Nobyembre.

Hindi naman pagsasabay-sabayin ang mga nakaambang pagtaas ng presyo sa susunod na taon.

Bukod sa pag-monitor ng presyo ng mga bilihin lalo ngayong magpa-Pasko, tinitiyak din ng ahensya na sapat ang suplay ng noche buena items sa paparating na pagdiriwang. —Jamil Santos/NB, GMA Integrated News