Filtered By: News
News

LOOK: Opisina ni Makati Mayor Junjun Binay, ipinakita sa Bawal ang Pasaway 


Binuksan ni acting Makati Mayor Romulo "Kid" Peña ang mga pinto ng tanggapan ng alkalde para sa Bawal ang Pasaway kay Mareng Winnie, ang programa ni Prof. Solita Monsod sa GMA News TV. 

Sa kauna-unahang pagkakataon mula noong 1986, hindi isang Binay ang nakaupo bilang alkalde ng lungsod. Bunsod ito ng desisyon ng Ombudsman na nagsususpindi kay Mayor Junjun Binay sa loob ng anim na buwan dahil sa umano’y overpriced building ng Makati Science High School.

At sa kauna-unahang pagkakataon din, ipinakita ni Peña ang opisina at pribadong kuwarto ng suspendidong Makati Mayor Junjun Binay, sa hiling ni Mareng Winnie. 

 
 
 
 
 
 

Ang tanggapan ng alkalde ay nasa ika-21 na palapag ng Makati City Hall. Ayon kay Mareng Winnie, malaki ang main office ni Mayor Binay. Mayroon ding hiwalay na opisina kung saan nagtatrabaho ang alkalde. Malawak din ang conference room. 

Mayroon ding pribadong kuwarto ang alkalde, at dito ay makikita ang isang malaking kama. May sariling dining area at bathroom ang kuwarto.  

Ayon kay Peña, ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ng acting mayor sa Makati. Aniya, kahit na nasususpindi ang nakatatandang Binay noon ay walang humahalili sa kanyang posisyon.

Sa kabila ng kanyang pagkakatalaga bilang acting mayor, nag-oopisina pa rin sa kanyang tanggapan sa Liga ng mga Barangay sa ika-20 palapag ng Makati City Hall si Peña.

Ang opisina raw kasi ng bise alkalde na dating okupado ni Vice Mayor Ernesto Mercado sa ika-18 palapag ay ibinigay sa mga kongresista ng Makati, sina Abigail Binay at Monique Lagdameo.

Ang Bawal ang Pasaway ay sumasahimpapawid tuwing Lunes, 10:15 ng gabi sa GMA News TV Channel 11.  - JJ, GMA News