Tinakbuhan ng isang babae sa Tondo, Maynila ang isang tindahan matapos mag-cash-in sa digital wallet ng P8,500.

Ayon sa ulat ni Jonathan Andal sa “24 Oras Weekend,” anak ng may-aring si Apple ang bantay noong nangyari ang insidente noong nakaraang buwan.

“Minamadali niya yung bata, tinataranta niya. ‘Send mo na. Diyan lang naman ako.’ Wala siyang mask, maganda, so sabi nung anak ko kaya siya nagtiwala,” hayag ni Apple.

Nahuli ang dalawampung-taong suspek ng publiko nitong Biyernes matapos gawin ang parehong modus sa isa pang tindahan sa Tondo rin.

Sinusubukan pa ng GMA News kuhanin ang pahayag ng suspek pero sabi ng Don Bosco police station commander Police Lieutenant Rowell Robles, ito ay umamin na.

“Umiiyak lang siya tapos sabi niya meron siyang anak, nawalan siya ng trabaho,” sabi niya.

Nang mahuli, nag-lutangan ang iba pang biktima umano nito mula pa 2019.

“Lima sila eh. Pero yung apat kasi hindi fresh case. Yung isa lang ang fresh. Ayaw naman mag-reklamo,” sabi ni Robles. “Ni-release namin siya sa [mga kamag-anak].”

Nakipag-areglo ang suspek sa kanyang mga biktima na naniningil ng kabuuang halaga na P35,000. Bukod sa pera, pinambayad din niya ang kanyang alahas at cellphone.

Ayon kay Robles, maaaring mag-sumbong ang mga biktima ng suspek sa mga pulis kung saan nangyari ang insidente.

“I-direct file na lang natin pero kung sa ibang area nangyari, kunin nila yung detalye dito sa amin. Kasuhan nila kung saan nangyari yung panloloko,” sabi niya. — Franchesca Viernes/BM, GMA News