Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

Kwentong Kapuso: Tulang panalangin para sa pamilyang OFW


Tulang panalangin para sa pamilya ng OFW Ni Francis Marilao Nais kong magpakalunod sa Iyong presensya, Nais kong palakasin itong aking kaluluwa; Ipagsigawan ang aking nadarama, Ang pangungulila't pagkabalisa. Tanging sa Iyo lamang Panginoon, Agam-agam ko ay may tugon; Kalungkutang bumabalot sa akin ngayon, Binigyan Mo ng ginhawa, pag-asang may pagkakataon. Magbababad ako sa panalangin, Sapagkat alam kong Iyong diringgin; Mga papuri ko't paglalambing, Kahilingan ko'y hindi bibiguin. Kalakasan sa aking maybahay, Ibayong talino sa aking panganay; Buhay namin'y sa Iyo inaalay, Kalinga't gabay ay patuloy Mong ibigay. Sa Iyo Ama nagsusumamo, Pagbuklurin ang pamilya ko; Wala na sanang mga pagtatalo, Pagkakawatak-watak ay muling mabuo. Nawa'y manumbalik ang dating samahan, Masayang kumakain sa hapag kainan; Minsan pang muling balikan, Ang dating malulutong na tawanan. Sa iyong Salita ay magbababad, Sa Bibliyang walang katulad; Patnubay sa amin'y dito nakalahad, Tamang landas sa aming paglakad. Sa kapangyarihan ng Iyong mga Salita, Ako ay lubos na Sumasampalataya; Kasalanan ko ay binigyan Mo ng laya, Pagkatao ko'y binigyan Mo ng pag-asa. Kaya naman magbababad sa piling Mo, Sa panahong nag-iisa ako; Papuri't pagsamba ay iaalay sa Iyo, Panginoong Hesus, kaligtasan ng mundo. -- GMA News Tungkol sa may-akda: Si Francis Morilao ay isang manggagawang Pinoy na nasa Doha, Qatar. Sa pamamagitan ng GMANews.TV/KwentongKapuso, nais niyang maibahagi ang kanyang mga nalikhang tula sa kanyang mga kababayan. Mababasa ang mga ito kanyang blog na mga kathang isip ni Kiko. Ano ang kwento mo? Mga Kapuso, tuloy ang kwentuhan. Sana’y hindi kayo magsawa sa pagtangkilik sa ating pitak na ito. Habang may mga kababayan tayo sa abroad - pati ang kanilang mga kabiyak, anak, ina, ama o sinuman na kabahagi ng kanilang buhay - na nais magpaabot ng kanilang saloobin, mananatili po ang inyong Kwentong Kapuso. Katulad ng dati, hindi kami magsasawa na basahin ang inyong mga kwento - maigsi man o mahaba. Kahit na ang laman nito ay naglalabas ng sama ng loob, nagbibigay ng inspirasyon, gustong magpayo, magsumbong, magpatawa o kahit nagpapalipas lang ng oras. Kaya hihintayin namin ang inyong mga email na maaari ninyo itong ipadala sa Pinoyabroad@gmanews.tv Sa inyo mga kababayan namin saan mang dako sa mundo, kami po'y saludo sa inyo. Kaya ilabas ang iyong saloobin, ikuwento mo Kapuso!
LOADING CONTENT