Filtered By: Topstories
News

13-anyos na Pinay skater pinarangalan ng Senado


MANILA, Philippines – Pinarangalan ng Senado sa pamamagitan ng isang resolusyon ang isang 13-anyos na Pinay skater, matapos maging kampiyon sa ginanap na figure skating competition sa US na inorganisa ng United States Figure Skating Association (USFSA). Sa Senate Resolution 114 na inihain ni Senate President Manny Villar , binigyang parangal ng Senado si Anna Isabela “Issai" Villafuerte matapos mapagwagian ang 11 ginto, anim na silver at tatlong bronze sa naturang kumpetisyon. Kauna-unahang Pinay si Villafuerte na pinayagang lumahok sa naturang kumpetisyon matapos dumaan sa mahabang pagsubok noong 2007 na pinamunuan ng USFSA. Opisyal na governing body ang USFSA sa figure skating ng US na kinikilala ng United States Olympic Committee at International Skating Union. Nagsimulang magkaroon ng interes si Villafuerte sa ice skating noong walong taong gulang pa lamang siya at unang nakipagsapalaran sa Skate Asian 2006 sa Shenzhen, China laban sa 2,000 figure skaters at nanalo ng pitong medalya. Naniniwala si Villar na magiging inspirasyon ng mga Filipina si Villafuerte upang lumahok sa ice skating. “By winning this international tournament Anna Isabela “Issai" Villafuerte has made our country proud and has shown to the world the spirit of Filipino competitiveness and excellence," ani Villar sa resolusyon. Kabilang sa nasungkit na medalya ni Villafuerte ang apat na gintong medalya, isang silver at bronze sa Broadmoore Open 2008; apat na gintong medalya at isang silver medal sa Center Ice Skating Arena; apat na gintong medalya sa ISI World Denver 2008; at dalawang gintong medalya sa Las Vegas Figure Skating Club. - GMANews.TV