Filtered By: Topstories
News

Kita ng mga oil firms planong silipin ng senador


MANILA – Nagbabala si Senador Juan Ponce Enrile nitong Martes laban sa mga kumpanya ng langis na magpapasa ng batas ang Senado para kunan ng buwis ang sobra nilang kita kung hindi nila babawasan ang presyo ng mga produktong petrolyo sa kabila ng pagbaba ng halaga ng krudo sa world market. "They have to scale down their retail price. Otherwise we will pass a law that will see to it that we will get a portion of their profit if they are not going to scale down," pahayag ni Enrile sa mga mamamahayag. Batay sa talaan ng Department of Energy, lumitaw na ang presyo ng krudo sa Dubai ay nagkakahalaga na lamang ng $89.25 per barrel nitong Lunes, kumpara sa $95.90/barrel noong nakaraang buwan. Sinabi ni Enrile na hindi maaaring gamiting batayan ng mga oil companies ang mataas na presyo ng langis sa international market para hindi magbaba ng presyo ng kanilang produktong petrolyo. "Because when the cost of crude goes down, their margin will get bigger," paliwanag niya. Bagaman hindi umano maaaring pwersahin ng Senado na magbaba ng presyo ang mga kumpanya ng langis, maaari naman umano nitong silipin kung sobra ang kanilang kinikita. "You check their income tax and yung net income nila if it is beyond what is allowable is you impose a high tax on the excess," ayon kay Enrile. "We agreed that business make a profit but not too much. Reasonable profit, yes, but an excess profit can be subject to excess profit tax," idinagdag niya. Ayon kay Enrile, ang buwis na makukuha sa sobrang kita ng mga oil companies ay maaaring gamitin ng pamahalaan upang tulungan ang mga naapektuhan ng mataas na presyo ng krudo. Hindi naman pabor ang senador sa planong boycott sa mga oil companies dahil makasasama lang ito sa industrya. "Kung ibo-boycott mo e saan ka kukuha ng gasoline para umandar ang mga truck, generators, engine, motor ng mangingisda. Hindi maiboboycott yan," ayon kay Enrile. Hindi umano kaya ng mga small oil player na suplayan ang pangangailangan ng bansa sa langis. - GMANews.TV