Filtered By: Topstories
News

P1/L oil price roll back ipatutupad sa Huwebes ng umaga - report


MANILA – Makatitikim ang mga motorista ng panibagong P1 per liter na oil price roll back sa mga produktong petrolyo simula sa Huwebes. Ang mga nagpahayag nitong Miyerkules na magbabawas sa presyo ng gasoline, diesel at kerosene simula 12:01 sa Huwebes ay ang Pilipinas Shell, Petron, Chevon Philippines (dating Caltex), SeaOil, Eastern Petroleum at Flying V. Nauna ng nagpatupad ng roll back ang Seaoil dakong 10 am nitong Miyerkules. Ayon kay Glen Yu, presidente ng Seaoil, magbibigay din sila ng 75-centavo rollback sa E-10 (ethanol) product. Maging ang Petron ay nagpahayag na magbabawas ng 75 sentimos sa presyo ng E-10 sa Huwebes. Una rito, umapela ang Malacañang sa mga kumpanya ng langis na maging sensitibo sa pangangailangan ng publiko at magbawas ng presyo sa kanilang mga produkto. Ayon kina Executive Secretary Eduardo Ermita at Press Secretary Jesus Dureza hindi nila maaaring diktahan ng gobyerno ang mga oil companies dahil sa umiiral na oil deregulation law. Ngunit umaasa umano ang pamahalaan na magiging sensitibo ang mga kumpanya sa panawagan ng publiko. Sinabi ni Ermita na iginigiit ng mga oil companies na mayroon pa silang “under recoveries" o pagkalugi na kailangang bawiin. - GMANews.TV