Filtered By: Topstories
News

Teehankee umalis na sa NBP; Dapat bigyan daw ng pagkakataon


MANILA – Nakaalis na umano sa compound ng New Bilibid Prison sa Muntinlupa City nitong Miyerkules ng gabi si convicted murderer Claudio Teehankee Jr na pinalaya na matapos bigyan ng pardon ng Malacanang, ayon sa ulat ng dzBB radio. Kasabay nito, ilang kongresista kabilang na isang kaalyado ng oposisyon at isang dating kongresista na dating nakulong sa NBP ang nagpahayag na dapat bigyan ng pagkakataon si Teehankee na magbagong buhay. Sinabing “natakasan" ni Teehankee ang mga mamamahayag na nagbabantay sa labas ng isang bahay na tinuluyan nito sa compound ng NBP nang dumaan ito sa bintana sa likod ng bahay. Kinumpirma umano ni prison chaplain Roberto Olaguer ang pag-alis ni Teehankee na noong pang isang linggo pinagkalooban ng executive clemency ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo. May mga ulat na nagsabi na mula sa bahay ay sumakay ito sa isang motorsiklo bago lumipat sa isang pick-up truck na may pulang plate number na SEW-750. Ayon naman sa mga kongresista, dapat bigyan ng pagkakataon si Teehankee na patunayan na karapat-dapat siyang tumanggap ng pardon ng pangulo. "He (Teehankee) was released because of good behavior and he served enough years [in jail]," pahayag ni opposition Rep. Rufus Rodriguez (Cagayan de Oro). Idinagdag niya na huminingi na rin naman ng patawad si Teehankee sa kanyang mga nagawa at labis na pinagsisihan ang kanyang nagawang krimen. “So let's give him a chance to redeem himself and become a law abiding citizen," pahabol ng kongresista. Para naman kay Cavite Rep. Elpidio Barzaga, dating criminal defense lawyer at human rights advocate, ang pagkakakulong ay hindi lang umano para magparusa kundi upang maguhin ang katauhan ng nagkasala. "The fact that Claudio Teehankee Jr. has been incarcerated for 14 years is already a sufficient penalty for the crime which he has committed," pahayag ni Barzaga. Idinagdag niya na si Teehankee ay isa lamang sa mahigit 200 bilanggo na binigyan ng executive clemency ng Pangulo nitong 2008 dahil sa mabuting asal sa loob ng kulungan. “After all, as practicing Christians we do not seek vengeance and we also forgive those who sinned against us," ayon kay Barzaga. Si Teehankee ay hinatulang makulong noong 1995 dahil sa pagpatay kina Maureen Hultman, at Roland John Chapman; at pagkakasugat kay Jussi Leino noong 1991. Naganap ang krimen sa loob ng marangyang Dasmariñas village sa Makati. Maging si Quezon City Rep. Vincent “Bingbong" Crisologo, na dati ring nakulong sa NBP at nakalaya dahil sa pardon ay pabor na bigyan ng pagkakataon si Teehankee. “Kapag matagal ka sa bilangguan you have a lot of time to look back at your past, your mistakes. After all, the Lord said in the Bible, lets him with no sin cast the first stone," aniya. Sinabi naman ni Maguindanao Rep. Simeon Datumanong na ang pagkakaloob ng pardon ay executive privilege ng Pangulo na nakapaloob sa Saligang Batas ng bansa. "Granting pardon is part of the privilege of President Arroyo although sometimes she relies on the recommendations of the Board of Pardons and Parole," paliwanag ng kongresista na dating justice secretary. - GMANews.TV