Filtered By: Topstories
News

Langis na nakuha sa Palawan pwedeng gasolina -- Ermita


MANILA – Labis na ikinatuwa ng pamahalaan nitong Huwebes ang unang pagkakakuha ng langis sa Galoc oilfields sa karagatang sakop ng Palawan na makatutulong umano upang matustusan ng Pilipinas ang pangangailangan nito sa enerhiya nang hindi na lubos na umaasa sa ibang bansa. Inihayag ni Executive Secretary Eduardo Ermita sa mga mamamahayag sa Malacañang ang pagkakakuha ng “light medium crude oil with a potential high yield of light ends such as gasoline" sa layong 60 kilometro northwest ng Palawan nitong 10:45 a.m. “The fresh extracts were put on board a Philippine vessel en route to our local refineries at 11:20 a.m.," ayon sa opisyal ng Malacanang. Ang langis na nakuha sa Galoc ay tatawagin umanong “Palawan Light." Inaasahan na makatutulong ito upang tustusan ang pangangailangan ng bansa sa langis na umaabot sa 300,000 bariles bawat araw. Tinatayang 17,000 hanggang 20,000 bariles ng langis ang maaaring makuha sa Galoc bawat araw o katumbas ng anim na porsyento ng kabuuang pangangailangan ng bansa sa langis araw-araw. "We embrace this significant development as this will help immensely in our pursuit to be energy self-sufficient," pahayag naman ni Energy Secretary Angelo T Reyes. Ang Galoc oilfield ay unang nadiskubre noong 1981 ngunit nasimulan lamang ang pamimina noong 2005 nang magkainteres ang Galoc Production Company WLL. Kabahagi rin sa proyekto ang Otto Energy, Philodrill Corp. at Nido Petroleum Ltd. Sa pag-aral na ginawa noong 2006, lumilitaw na may nakaimbak na langis sa Galoc na umaabot sa 10 hanggang 20 milyong bariles. Umaasa si Ermita na sa mga gagawin pang pag-aaral ay matutuklasan pa ang ibang lugar kung saan may makukuhang langis sa lugar. “The President is optimistic that this new development will positively impact on the administration's efforts to reduce the country's annual oil importation of US$6 billion, and, in turn, also contain the increasing cost of food and other commodities," ayon kay Ermita. - GMANews.TV