Filtered By: Topstories
News

Senado 'di nagpabaya sa trabaho - Villar


MANILA – Inihayag ni Senate President Manny Villar na umabot sa 184 panukalang batgas ang naipasa ng kapulungan sa kabila ng mga kontrobersyang kinahaharap ng Senado nitong nakalipas na buwan. Sa ulat ni Villar , lumitaw na 49 sa 184 panukala ay itinuturing national application na nailusot sa ikatlong pagbasa mula Hulyo 2007 hanggang Oktubre 9, 2008. “Sa kabila ng mga alitan, ang Senado ay nagsikap na tuparin ang kanyang tungkulin sa lehislatura. Nanatili ang dedikasyon ng Senado sa pangunahing tungkulin nito sa pag-apruba ng mga panukalang batas," pahayag ng senador. Kabilang sa mga ipinasang panukala ng Senado ay ang Renewable Energy bill na magsusulong upang tumuklas at gumamit ng alternatibong mapagkukunan ng enerhiya upang hindi umasa ang bansa sa inaangkat na langis. Sa ilalim ng panukala, pagkakalooban ng insentibo ang mga programa na magtataguyod sa paggamit ng alternatibong enerhiya. Pinagtibay din ng Senado ang Fire Code of the Philippines; pagtatakda ng tatlong taong termino sa chief of staff ng Armed Forces of the Philippines; panukala para sa demilitarisasyon ng Department of National Defense (DND) at pagbabawal sa pagtatalaga ng mga bagong retiradong opisyal ng militar bilang kalihim ng DND sa loob ng tatlong taon mula sa pag-alis nito sa serbisyo; panukala para sa low-cost restructuring housing loan program at ang pagpapalakas sa Cooperative Code. Inaprubahan ng mga senador ang Basic Compensation Act na nagbibigay ng dagdag na suporta at kompensasyon sa mga tagapagturo ng basic education. Inaasahang makikinabang sa panukala ang may 50,000 guro at non-teaching personnel sa lahat pampublikong paaralan kung saan madaragdagan ng P9,000 ang kanilang basic pay. Kasama rin sa mga pinagtibay na panukala ang Universal Newborn Hearing Screening and Intervention Act of 2008, ang New Firearms and Ammunition Act; ang panukala na nag-aatas sa media na kunin ang panig ng lahat ng apektado sa kanilang inulat at komentaryo; ang panukala para sa pagsasaliksik sa postpartum syndrome; at ang joint resolution na layuning bigyan ng severance incentive ang mga kawani ng sangay ng lehislatura. Dalawang tratado rin ang niratipikahan ng Senado kabilang na ang kontrobersyal na Japan Philippines Economic Partnership Agreement (JPEPA) at charter ng Association of South East Asian Nations (ASEAN). - GMANews.TV