Filtered By: Topstories
News

Impeachment case ikinasa vs Arroyo


MANILA – Ikinasa ng mga civil society group ang pang-apat na impeachment compliant laban kay Pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa loob ng apat na taon. Ihahain ang reklamo sa Kamara de Representantes sa magkakahiwalay na araw sa Sabado, Linggo at Lunes. Ang reklamo ay bunsod umano sa paglabag ni Gng Arroyo sa Konstitusyon, pagtataksil sa tiwala ng publiko at katiwalian, ayon kay Atty. Harry Roque, professor sa University of the Philippines (UP). Ipinaliwanag ni Roque na magkakahiwalay na araw nilang ihahain ang reklamo dahil hindi nila matiyak kung kailan eksaktong magtatapos ang one year ban sa paghahain ng impeachment complaint. Sa ganitong paraan ay hindi umano mahahanapan ng teknikalidad sa one year ban ang ihahain nilang reklamo ng mga kongresistang kaalyado ng Malacanang. “Hindi mo alam kung kailan sasabihin ‘yung one year bar, pero exactly the same petition before. Kasi tatlo lang ‘yung p’wedeng maging period ng one-year bar," patungkol ni Roque sa precedent na ang unang reklamong naisampa at na-refer sa House committee on justice ang tatalakayin at hindi ang araw mismo ng paghahain ng reklamo. Idinagdag ni Roque na tatayong complainant sa impeachment case ang negosyanteng si Jose "Joey" de Venecia III, anak ni dating Speaker Jose de Venecia Jr., na nagdawit kay First Gentleman Jose Miguel Arroyo sa kontrobersyal na ZTE-NBN deal. Inaasahan naman na sina Reps. Teofisto Guingona III (Bukidnon), Risa Hontiveros (Akbayan) at Teodoro “Teddy" Casiño (Bayan Muna), ang magsisilbing endorser ng kaso. Kabilang sa mga usapin nakapaloob sa ihahaing reklamo ay ang $329 milyong national broadband network (NBN) deal; North Rail Project; Memorandum of Agreement on Ancestral Domain (MoA-AD) at Joint Marine Seismic Undertaking (JMSU) na pinasok ng Pilipinas kasama ang China at Vietnam. Tiniyak naman ni Speaker Prospero “Boy" Nograles Jr. na gagampanan nya ang kanyang ministerial duty upang dalhin sa plenaryo ang reklamo sa loob ng 10 session days na magsisimula sa Nobyembre 10 kung kailan muling magbubukas ang sesyon ng Kongreso. “We will accept it and acted upon with dispatch. It will pass the process. Impeachment is a political process," paliwanag niya. Kaagad namang minaliit ng Malacañang ang ihahaing reklamo na bahagi umano ng pamumulitika ng mga kritiko ng pamahalaan. Tiwala si Political Adviser Sec Gabriel Claudio na ibabasura lang ng mga kongresista reklamo tulad nang ginawa sa tatlong naunang impeachment cases na isinampa laban kay Arroyo. "The case will not fly for at least two reasons: One, it is bereft of any legal grounds. For example, the President cannot be held legally liable for any of the issues raised; two, the proximity of the 2010 elections and the current global financial turmoil make such a move look absolutely unnecessary, distractive and destructive," ayon sa opisyal. - GMANews.TV