Filtered By: Topstories
News

DOE: Oil companies 'di pwedeng diktahan sa presyo


MANILA – Inamin ng Department of Energy (DOE) sa Senado nitong Biyernes na hindi nila maaaring diktahan ang mga kumpanya ng langis kaugnay sa pagtatakda ng presyo ng mga produktong petrolyo kahit bumabagsak ang halaga ng krudo sa world market. Ang pag-amin ay ginawa ni DOE Director Zenaida Monzada nang dumalo sa budget hearing ng Senado para hinihinging pondo ng ahensya sa susunod na taon. Sinabi ng opisyal na hindi maaaring diktahan ang mga kumpanya ng langis sa bansa dahil sa umiiral na oil deregulation law. “Hindi maaaring diktahan ng gobyerno ang mga kumpanya ng langis dahil sa umiiral na oil deregulation law kahit na lumilitaw na inaabuso na ang naturang batas," ayon kay Monzada. Sa halip, pinayuhan na lamang ni Monzada ang mga consumers na bumili ng produktong petrolyo sa mga kompanya ng langis nagbibigay ng mas mababang presyo upang makatipid. Sa kabila nito, ikinatuwa nina Monzada at Sen. Juan Miguel Zubiri ang paglulunsad ng Unioil ng E10 power, isang uri ng petrolyo na may halong ethanol gas dahil malaki ang maitutulong nito laban sa mataas na presyo ng langis. “Malaking tulong ito sa ating bansa kaya dapat tularan ng iba pang kompanya ang ginagawa ng Unioil upang tuluyan nang bumaba ang inaangkat na produktong petrolyo," ayon kay Zubiri. Samantala, tiniyak ni Ramon F. Villavicencio, chief executive officer ng Unioil na magkakaroon ng panibagong roll back sa presyo ng langis sa halagang P3 hanggang P5 bawat litro sa Nobyembre. Ayon kay Villavicencio, kung susuriin ang takbo ng ekonomya sa United States na lubhang nakakaapekto sa global market, tiyak na magkakaroon umano ng panibagong rollback sa presyo ng langis. “Dapat beginning November, magkaroon ng rollback sa halagang P3 hanggang P5 kada litro ng langis," aniya. Duda naman si Villavicencio kung magkakaroon ng epekto sa presyo ng langis sa local market ang nadiskubreng langis sa Galoc point sa Palawan dahil sa dami ng reserba umano ng langis. “Wala sa timing kasi bumababa na ang presyo ng langis sa world market, sana noong mataas ang presyo ng langis, doon natuklasan baka magkaroon pa ito ng epekto sa presyo ng langis," aniya. Duda rin si Villavicencio kung maibebenta ang nadiskubreng langis sa Palawan dahil mas mahal umano ang ganitong uri ng langis (sweet oil) kapag iniluwas ng bansa. “Sweet oil iyon depende iyan sa mga refineries kung ibebenta nila sa labas ng bansa na maaaring makakuha ng mas mataas na presyo o gagamitin sa lokal," idinagdag pa niya. - GMANews.TV