Filtered By: Topstories
News

Badyet ng AFP pinababawasan, infra funds pinadagdagan


MANILA, Philippines - Iminungkahi ni Sen. Alan Peter Cayetano sa Kongreso na bawasan ang badyet ng Armed Forces of the Philippines na ipambibili ng bala at bomba, at sa halip ibuhos ang pondo ng pamahalaan sa imprastraktura upang mapaunlad ang kanayunan. Sa panayam ng GMANEWS.TV pagkatapos ng budget hearing ng Department of Public Works and Highways nitong Lunes, sinabi ni Cayetano na malaki ang maitutulong ng dagdag pondo sa imprastraktura sa mga lugar na lubhang sinasalanta ng insurhensiya. “Sa mga malalayong lugar o lalawigan na lubhang nagdusa sa insurhensiya, naipakita na ang kaunlaran, at hindi bala, ang siyang lulutas sa insurhensiya," sabi ni Cayetano. “So, itong taghirap ay ini-expect nila na dadami rin ang recruitment ng mga insurgents. Dahil nga walang trabaho. Pero baka pwede gamitin ito as a jewel tool of one giving work during the slim months and maybe the slim year," sabi ni Cayetano. Malaki rin ang paniniwala ni Cayetano na kapag ibinuhos ng pamahalaan ang pondo para sa imprastraktura sa kanayunan, malaki ang posibilidad na mababawasan ang insurhensiya dahil makakahimok ng pamumuhunan, makalilikha ng trabaho at gugulong ang ekonomiya sa lugar. “Also providing development in the area, encouraging investments to prevent the further growth of insurgency. Rather than spend on the military hardware and bullets and bombs, baka dapat infra ang dagdagan natin," sabi niya. Kaugnay nito, hinikayat din ni Cayetano ang Kongreso na dagdagan ang pondo ng Department of Education at Department of Tourism. “Dapat ibuhos sa mga tunay na investments. Halimbawa, sa edukasyon, hindi mo talaga agad makikita ang resulta nito, pero, definitely enrichment ito ng human resources natin," anang mambabatas. - GMANews.TV