Filtered By: Topstories
News

SC: MOA-AD ng RP at MILF labag sa Konstitusyon


MANILA – Idineklara ng Korte Suprema nitong Martes na unconstitutional o labag sa Saligang Batas ang pinasok na kasunduan ng pamahalaan sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) kaugnay ng ancestral domain. Sa botong 8-7 ng mga mahistrado, idineklarang ilegal ang Memorandum of Agreement on Ancestral Domain (MOA-AD) na kinontra ng ilang lokal na lider sa Mindanao sa pangunguna ni North Cotabato Vice-Governor Emmanuel Piñol. “The failure of the respondents to consult the local government units or communities affected constitutes a departure by respondents from their mandate under E.O. [Executive Order] No. 3," nakasaad sa 90-pahinang desisyon ng SC na pinonente ni Justice Conchito Carpio-Morales. “Moreover, respondents exceeded their authority by the mere act of guaranteeing amendments to the Constitution," idinagdag pa sa desisyon. Bukod kay Morales, ang iba pang mahistrado na nagsabing ilegal ang MOA-AD ay sina SC Chief Justice Reynato Puno, Justices Consuelo Ynares-Santiago, Antonio Carpio, Adolfo Azcuna, Ruben Reyes, Senior Justice Leonardo Quisumbing at Ma. Alicia Austria-Martinez. Samantala, ang pitong mahistrado na nagsabing dapat ibinabura ang petisyon laban sa MOA-AD ay sina Justices Dante Tinga, Minita Chico-Nazario, Presbitero Velasco Jr, Antonio Eduardo Nachura, Teresita Leonardo-de Castro, Arturo Brion, at Renato Corona. Iginiit ng pitong mahistrado na dapat ibinasura na ang petisyon sa MOA-AD dahil ang kasunduan ng MILF at gobyerno ay itinuturing ng “moot" o walang saysay dahil hindi na ito kinikilala ng pamahalaan. Nakasaad din sa desisyon na ang anumang paglabag sa Konstitusyon ng anumang sangay ng pamahalaan ay dapat sumalang sa pagsusuri ng hudikatura. Sinabi ng higit na nakararaming mahistrado na dapat kinunsulta umano ng pamahalaan ang mga maapektuhang partido sa pagbuo ng kasunduan bilang bahagi ng kanilang karapatan na makakuha ng impormasyon. “Respondents and their agents are enjoined from signing and executing the same or similar agreements, in accordance with the discussions embodied in the decision," ayon sa SC. Matatandaan na ang MOA-AD ay nakatakda na sanang lagdaan ng kinatawan ng pamahalaan at MILF sa Malaysia noong Agosto 5, 2008 ngunit pinigil ng SC matapos magpetisyon ang grupo ni Piñol. Kinuwestiyon ni Piñol at iba pang petitioners ang kawalan umano ng transparency sa binuong kasunduan dahil hindi kinunsulta ang mga apektadong partido bago ang pirmahan. Dahil sa nabigong pirmahan, ilang kasapi ng MILF ang umatake sa mga sibilyan sa Central Mindanao na nagresulta sa pagkamatay ng mahigit 50 tao. Ang kaguluhan ay nagtulak kay Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na tuluyang iatras ang suporta sa MOA-AD. - GMANews.TV