Filtered By: Topstories
News

Sobra sa limit: Ex-PNP official, asawa pinigil sa Moscow dahil sa dalang euros


MANILA – Isang retiradong opisyal ng Philippine National Police (PNP) at asawa nito ang pinigil sa Moscow na makabalik sa Pilipinas hanggat hindi sila nakapagpapakita ng dokumento upang ipaliwanag kung bakit sobra ang dala nilang pera sa itinatakdang limit na €10,000. Sa panayam ng QTV News on Q nitong Martes, kinilala ni PNP Region 9 chief Director Jaime Caringal ang pinigil na dating opisyal ng PNP na si retired director Eliseo Dela Paz at asawa nitong si Meah. Sinabi ni Caringal na nasa hotel ang mag-asawa at mabuti naman ang kalagayan. "Nagkaroon ng kaunting questioning. May pera na more than authorize na dapat i-declare," ayon kay Caringal na nasa Moscow rin para dumalo sa Interpol 77th General Assembly na ginanap noong October 7 - 10 sa St. Petersburg kasama ang iba pang mataas na opisyal ng PNP. Si Dela Paz ay dating PNP director for Comptrollership. Sinabi ni Caringal na pabalik na sila sa Pilipinas kasama ang mga Dela Paz noong Sabado nang pigilin ang mag-asawa sa paliparan ng mga Moscow airport police. Kasama rin umano sa grupo ang asawa ni PNP chief Director General Jesus Verzosa na si Zeny, ngunit pinayagan naman itong lumipad pauwi ng Pilipinas. Hindi umano kaagad nakapagpakita ng dokumento ang mag-asawang dela Paz sa malaking halaga na dala dahil nagkataon na weekend nangyari ang insidente. "I'm sure the PNP has an explanation. We are together in a hotel. They (Dela Paz couple) are okay," pagtiyak ni Caringal. Nang tanungin kung maayos naman ang pagtrato sa kanila ng mga Russian authorities, sagot ni Caringal, “We are international delegates. We are general officers. So we were treated very well." Inaasahan umano niya na posibleng magtagal pa sila sa Moscow dahil ang mga dokumento na manggagaling sa Pilipinas ay kailangan pang isalin sa Russia. Ngunit problema rin ni Caringal na mapapaso na ang kanilang visa sa darating na Sabado. "Humihingi ng extension ang embassy," aniya. Kasama ng delegasyon ng PNP sa Russie sina Deputy Director General Emmanuel Carta, PNP deputy chief for administration; Deputy Director General Ismael Rafanan, PNP deputy chief for operations; Director Romeo Ricardo, PNP director for plans; Director German Doria, PNP chief for human resource and doctrine development; Director Silverio Alarcio, PNP director for operations; at Superintendent Elmer Pelobello. – GMANews.TV