Filtered By: Topstories
News

MILF hinikayat na igalang ang desisyon ng SC


MANILA – Hinikayat ng mga senador ang liderato ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) nitong Miyerkules na igalang ang naging desisyon ng Korte Suprema hinggil sa ibinasurang Memorandum of Agreement on Ancestral Domain (MOA-AD). Sa pahayag, sinabi ni Senate President Manny Villar na umaasa siya na hindi gagamiting katwiran ng MILF ang desisyon ng SC upang maglunsad ng panibagong pagsalakay sa ilang bahagi ng Mindanao. “Dapat irespeto ang desisyon ng SC dahil sila ang nakakaaalam kung may butas o wala ang isang pinasok ng kasunduan ng pamahalaan o maging anumang inaprubahang batas," paliwanag ni Villar. Kasabay nito ay umaasa si Villar na magsisilbing tulay ang naging desisyon ng SC upang masimulan muli ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng MILF at GRP peace negotiating panel. Hinikayat naman ni Sen. Francis Escudero ang MILF na huwag ng ituloy ang binabalak na pagdulog ng naging desisyon ng SC sa International Court at Organization of Islamic Conference (IOC). Sinabi ng senador na walang magandang dahilan ang rebeldeng grupo upang idulog ang ibinasurang kasunduan sa IC at IOC dahil sa simula pa lamang ay ilegal na ang pinasok ng kasunduan ng pamahalaan sa MILF. “Wala tayong nakikitang argumento na maaaring katigan ng International Court ang anumang kahilingan ng rebeldeng muslim dahil hindi maaaring ihiwalay ang Mindanao sa Pilipinas nang hindi dumadaan sa pag-aaral ng Kongreso, pagsasagawa ng plebisito at botohan ng nakararaming bilang ng mamamayan," ayon kay Escudero. Para naman kay Sen. Rodolfo Biazon, mas makabubuting Indonesia na lamang sa halip na ang bansang Malaysia ang kuning tagapamagitan sa usapang pangkapayapaan sa MILF. “However, I still maintain my position that the government should explore the possibility of the peace talks being resumed without foreign intervention. If however this is not possible, we should explore the proposition that another country be the broker of the peace process instead of Malaysia," paggiit ni Biazon. “I am therefore filing a resolution expressing the sense of the Senate on this matter – asking Indonesia to facilitate this peace process. We cannot abandon the peace process. The alternative to peace will only be too costly and too destructive to the country," idinagdag pa niya. Nais din ni Villar na isama na sa susunod na usapang pangkapayapaan ang mga grupo sa Mindanao na direktang maapektuhan ng anumang kasunduan na muling papasukin ng pamahalaan tulad ng mga Ulama, propesyunal at mga sektor na tunay na may malasakit sa Mindanao. “Hindi dapat ituon lamang ng gobyerno sa iisang grupo ang kanilang pakikipag-usap sa rebeldeng grupo upang hindi na muling sumiklab ang sigalot na idinulot ng pumalpak na kasunduan," ayon kay Villar. Pinayuhan naman ni Senate Minority Leader Aquilino Pimentel Jr., ang MILF na suportahan na lamang ang panawagan nitong federalismo upang matupad ang pangarap nitong Bangsa Moro State. Sa ilalim ng panukala ni Pimentel, magkakaroon ng labing isang estado ang Pilipinas, kabilang dito ang Bangsa Moro State na puwedeng makapagsarili ngunit nasa hurisdiksiyon pa rin ng central government ng Pilipinas. - GMANews.TV