Filtered By: Topstories
News

Insurance sa deposito dinoble ng Senado


MANILA – Itinaas ng Senado sa P500,000 ang deposit insurance coverage na kasalukuyang P250,000 bawat depositor bilang paghahanda sa posibleng maging epekto ng krisis pampinansyal na nararanasan sa mundo. Sa Senate Bill No. 2678 na inihain ni Sen. Francis Escudero, nais nitong amyendahan ang charter ng Philippine Deposits Insurance Corporation (PDIC) na naggagarantiya sa deposito sa lahat ng bangko. Sinabi ng senador na kailangan ang kaukulang atensyon at konsiderasyon sa harap ng pandaigdigang krisis sa pananalapi sa modernong panahon. Layunin din ng panukala na palakasin ang pundasyon ng banking system at maipagpatuloy ang tiwalang nakukuha ng bansa mula sa mga mamumuhunan at depositor. “This bill benefits not only individual depositors but the banking sector and officials as well. We might not need and may not afford any bailout package at the moment, but this bill provides the needed requirement to maintain and promote stability in the banking sector" ayon kay Escudero. Idinagdag ng mambabatas na bagama’t naninindigan ang gobyerno at sektor ng pagbabangko na patuloy na matatag at malakas ang sistema ng pananalapi sa bansa, mahalaga umanong mapanatili ang tiwala ng publiko. Inaasahang tataas mula sa kasalukuyang 95.1 percent ang maximum coverage tungo sa 97.2 percent ang magiging sakop sa lahat ng deposit accounts sakaling maisabatas ang panukalang itaas ang maximum insurance coverage. - GMANews.TV