Filtered By: Topstories
News

Panukala na ipagbawal ang 'Muslim' o 'Christian' tag sa akusado lusot sa Kamara


MANILA – Inaprubahan ng Kamara de Representante sa ikatlong at huling pagbasa ang panukalang batas na nagbabawal sa media na tukuyin ang isang akusado sa pinagmulan niyang rehiyon. Sa ilalim ng House Bill 100, pagmumultahin ng P50,000 ang mga pinuno ng ibat-ibang uri ng media na gagamit ng mga salitang Muslim at Kristiyano para tukuyin ang mga akusado sa krimen. Ipinagbabawal din sa panukala ang paggamit ng mga salitang makakainsulto sa relihiyon o ethnic affiliation ng akusado. Papatawan din ng multang P10,000 at pagkakakulong ng anim na taon ang editor at may-ari ng mass media na hindi susunod sa mga probisyon ng panukala. Kabilang sa mga pangunahing awtor ng panukala sina Aurora Rep. Juan Edgardo “Sonny" Angara, Anak Mindanao Rep. Mujiv Hataman, Gabriela Rep. Luzviminda C. Ilagan, Laguna Rep. Justin Marc Chipeco, senior Deputy Majority Leader at Mandaluyong City Neptali Gonzales II. Sa pahayag nitong Biyernes, sinabi ni Angara na dismayado siya sa patuloy na paggamit ng ilang kasapi ng media sa mga terminong "Muslim criminal", "A Muslim terrorists" at iba pang hindi magandang pagtawag sa mga akusado. “The use of religious, regional, or ethnic affiliations to describe suspects or convicts in mass media, creates a sweeping generalization on other members of the race, culture or region who did not commit any crime," ayon kay Angara. "Banning this culturally and religiously biased practice would definitely contribute and result in increased positive social space and understanding between and among Muslims and non-Muslims," pagtatapos niya. - GMANews.TV