Filtered By: Topstories
News

Rollback na P3/L sa diesel ng Flying V tinapatan ng Seaoil


MANILA – Tinapatan ng Seaoil Philippines nitong Biyernes ang P3 per liter na ibinawas ng Flying V sa halaga ng diesel, habang sumunod na rin sa rollback ang UniOil Petroleum Philippines. Sinabi ni Rey Jimenez, marketing communication supervisor ng Seaoil, ibinaba pa nila ng P2 per liter nitong Biyernes ng hapon ang presyo ng kanilang diesel. Nauna ng nagbawas sa presyo ng diesel, gasolina at kerosene ang Seaoil ng P1 bawat litro nitong Huwebes kasabay ng iba pang oil companies kasama ang "Big 3" o Shell, Chevron at Petron. Ngunit ang Flying V, P3 bawat litro kaagad ang tinapyas sa preso ng diesel at P1 bawat litro naman sa gasolina at kerosene nitong Huwebes. "Our stations implemented a rollback as the international fuel prices continue to soften," ayon kay Jimenez. Ang Seaoil ay may 137 gas station sa bansa kasama na ang 39 sa Metro Manila. "Tatapatan talaga naming iyong Flying V," pahayag ni Jimenez. Sa ulat ng GMA's Flash Report, inihayag na P1 bawat litro sa gasolina at diesel ang ibabawas ng UniOil. Sa kabila ng mga rollback, hindi pa rin masaya ang Transport groups Alliance of Concerned Transport Operators (ALCTO) at Pasang Masda dahil kulang pa rin ito kung ikukumpara sa presyo ng langis sa world market. Hinikayat ng dalawang grupo ang kanilang mga kasamahan na magpakarga ng mga gas station na nagbibigay ng mas malaking kaltas sa presyo ng kanilang produktong petrolyo. - GMANews.TV