Filtered By: Topstories
News

Surprise drug test sa mga drayber ng PUVs iminungkahi


MANILA – Iminungkahi ng isang kongresista sa kinauukulang ahensya ng pamahalaan na magsagawa ng surpresang drug test sa mga drayber ng pampublikong sasakyan lalo na sa mga bus. Ang pahayag ay ginawa ni Aurora Rep. Juan Edgardo Angara matapos ang malagim na sakuna sa EDSA nitong madaling araw ng Martes kung saan sangkot ang tatlong bus na nagresulta sa pagkamatay ng isang tao at ikinasugat ng tatlong iba pa. “Its about time na magkaroon ng surprise drug test sa mga driver ng mga public utility vehicles specially sa bus. Kung regular basis lang kasi ang drug test every time na kukuha lang ng license they can prepare for it," paliwanag ni Angara. Idinagdag ng kongresista na marami na ring naglabasang ulat tungkol sa paggamit ng ilang drayber ng PUVs ng droga upang manatiling gising sa kanilang pamamasada lalo na sa gabi at madaling araw. “Siguro the proper agencies like the LTO (Land Transportation Office) can coordinate with the different associations of PUVs to push for this program. Buhay kasi ang pinag-uusapan natin dito at hindi first time ang nangyaring accident sa Edsa," pagpapatuloy ni Angara. Karerahan Batay sa inisyal na imbestigasyon, sinabing nagkakarehan ang mga bus sa Edsa nang mahagip ang kotseng minamaneho ni Dr. Francisco Sarabia nitong madaling-araw ng Martes. Sa lakas ng pagbangga, nagliyab ang kotse ni Sarabia hanggang sa masunog ang biktima. Malubha naman ang lagay ng pasahero ni Sarabia na isinugod sa pagamutan. Sa panayam ng dzBB radio, sinabi ni LTO chief Alberto Suansing na nagsasagawa ng hiwalay na imbestigasyon ang kanyang ahensya upang alamin ang pananagutan ng mga drayber at may-ari ng bus sa nasabing aksidente. "Ang LTO magco-conduct ng sariling investigation with regards to the accident that happened…Paimbestigahan namin yung dalawang driver na involved dun, pati na yung driver sa isang bus, sa Commuter Liner," aniya. Kasabay nito, sinabi ni Lantion na sinuspindi na niya ang operasyon ng mga kumpanya ng bus na sangkot sa insidente. Ito ay ang Joanna Jesh Bus (TYG-660), Amtrak Transport Inc. (TYF-868) at Commuters Bus Corporation (TXE-812). “We need to determine who among those involved in the crash are to blame and give justice to the victims," ayon sa opisyal. Nais naman ni Cibac party-list Rep. Joel Villanueva na mahigpit na ipatupad ang batas laban sa mga abusadong drayber – pribado man o pampubliko - na hindi maraming magpahalaga sa buhay ng iba. “Dapat posasan agad ang ng traffic police ang abusadong mga tsuper na inilalagay sa panganib buhay ng kanilang mga pasahero at iba pang mga motorista," aniya. “Hindi na dapat hintaying maka-aksidente ang mga abusadong tsuper. Wala silang karapatan na humawak ng manibela lalo’t malaking panganib sila sa publiko." Nauna ng inihayag ni Lantion ang plano nitong isalang sa neuro at psychiatric test ang mga kukuha ng lisensya upang matiyak na nasa maaayos itong pag-iisip. Ngunit bukod sa paghihigpit sa pagkuha ng lisensya, sinabi ni Anak Mindanao Rep. Mujiv Hataman na dapat maging mahigpit din ang awtoridad sa pagpapatupad ng patakaran sa kondisyon ng mga sasakyan lalo na sa mga PUVs. “Ang daming sasakyan sa gabi ang bumibyahe na walang ilaw, magugulat ka na lang biglang sumusulpot. Iyung iba sira o basag ang mga salamin at signal light dapat ‘yan higpitan din kasi road safety device ‘yan," paliwanag ni Hataman. - Fidel Jimenez, GMANews.TV