Filtered By: Topstories
News

Bolante 'di raw makaaasa ng tulong sa Palasyo


MANILA – Hindi umano makikialam ang Malacanang sa mga kasong posibleng kaharapin ng dating opisyal ng Department of Agriculture na itinuturong nagmaniobra upang gamitin sa kampanya ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo noong 2004 elections ang P728-milyon pondo na nakalaan na pambili ng abono para sa mga magsasaka. Ayon kay Press Secretary Jesus Dureza, walang balak ang Palasyo na makialam sa kaso ni dating Agriculture undersecretary Jocelyn "Joc-Joc" Bolante dahil isa na umano itong sibilyan. Ang pahayag ni Dureza ay nakapaloob sa artikulong nakapaskil sa website ng Office of the Press Secretary na may petsang Oct 20. Si Bolante ay lumipad sa United States noong July, 2006 habang kainitan ng imbestigasyon ng Senado tungkol sa umano'y anomalya sa pondo. Ngunit dinakip siya ng awtoridad sa US nang mapaso ang kanyang visa. Tinangka rin ni Bolante na makakuha ng political asylum ngunit nabigo ito. Dahil sa pagkakabasura ng petisyon ni Bolante, inaasahan na pababalikin na ito sa bansa bago matapos ang taon. Nanawagan nitong Lunes si Dureza kay Bolante na umuwi na sa bansa at harapin ang mga kasong isasampa sa kanya. “Walang pakialam ang gobyerno sa kanya ngayon. He is a private citizen," paliwanag ni Dureza. “Kung may mga kaso siya, harapin niya." Hindi na rin umano dapat intindihin ng pamahalaan kung anuman ang balak ni Bolante. “Depende sa kanya kung ano ang gawin niya sa buhay niya, at kung ano ang gagawin niya to defend himself kung mayroon siyang mga pananagutan dito o haharapin dito sa Pilipinas," idinagdag pa niya - GMANews.TV