Filtered By: Topstories
News

6 sundalo patay sa ambush ng mga rebelde sa Mindanao


ZAMBOANGA CITY – Anim na sundalo ang patay at dalawa pa ang sugatan sa ginawang pananambang ng mga hinihinalang komunistang rebelde sa Compostela Valley, ayon sa militar nitong Sabado. Nagpapatrolya umano ang mga kasapi ng Philippine Army sa Brgy Manurigao sa New Bataan nang pasabugin ng mga pinapaniwalaang kasapi ng New People's Army (NPA) ang isang bomba na tumama sa sasakyan ng mga sundalo. Ang pagsabog ay sinundan ng mga putok na tumagal ng may 30 minuto, ayon sa ulat ng Armed Force kung saan kabilang sa mga nasawi ay isang army lieutenant. Ayon kay Rigoberto Sanchez, tagapagsalita ng mga rebelde, hindi uubra ang mga sundalo sa guerrilla warfare ng NPA sa bahagi Mindanao. Inakusahan din nito ang militar na tinatakot ang mga sibilyan bilang bahagi ng kampanya ng pamahalaan laban sa mga rebelde. Nanawagan naman sa pamahalaan nitong Sabado ang Exodus for Justice and Peace (EJP), alyansa ng mga human rights groups, church at health organizations sa Mindanao na tiyakin ang kaligtasan ng mga sibilyan sa naiipit sa labanan ng mga sundalo at rebelde. Ginawang halimbawa ng grupo ang isang operasyon ng mga sundalo sa isang barangay Kalinugan sa Monkayo kung saan may mga sibilyan umanong naipit sa labanan. "The military cannot simply say that their operations are legitimate and collateral damages are inevitable. There is no justification to anything they do that endangers the lives of the people," ayon kay Rev. Jurie Jaime, kasapi ng EJP. "We are also receiving reports of harassments and other violations committed against the rights of innocent civilians in some parts of Compostela Valley and Davao Oriental as results of the military's intensified anti-insurgency operations," idinagdag nito. - GMANews.TV
LOADING CONTENT