Filtered By: Topstories
News

Pinoy farmer wagi sa Guam marathon


MANILA, Philippines – Muling ipinamalas ni Pepito Deapera ang galing ng Pilipino makaraang manalo sa isang kumpetisyon sa bansang Guam kamakailan. Nagwagi ang 38-taong gulang na si Deapera sa ginanap na 2008 Guam Koko Road Race Half-marathon sa Tumon, Guam. Ito ang unang sabak ni Deapera sa isang kumpetisyon sa labas ng bansa at matagumpay niyang tinapos ang 21-kilometrong karera sa oras na 1:18:11, halos siyam na segundo na kalamangan mula kay Hyun Suk Lee ng Korea na nagtapos sa ikalawang pwesto. Ayon kay Deapera iba’t-ibang bansa ang sumasali sa taunang takbuhan. “Hindi ako nagkumpiyansa na manalo kasi mas marami ang malakas. Nandun ang Korea, Japan, Taiwan, Australia at America." Malaking tulong din umano ang pagiging magsasaka n'ya para makatagal sa takbuhan mula Ypao Beach Park patungong Asan at pabalik. “Mahirap ang trabaho sa farm. Physical aspect talaga ang kailangan mo." Naimbitahan ng Guam Visitors Bureau (GVB) ang tubong Lucban, Quezon na si Deapera na maging kinatawan ng Pilipinas sa Koko Road Race matapos siyang mamataan ng ilang mga opisyal ng GVB sa isang kumpetisyon sa Maynila. Ang pagsabak ni Deapera sa Guam ay sinuportahan ng Lucban Buddies na gumagawa ng Lucban pansit at longganisa. Muli siyang sa natbanggit na bansa sa susunod na taon upang idepensa ang kanyang korona. – GMANews.TV