Filtered By: Topstories
News

2 buwan pa lang: Pinay DH 'tinakasan ng bait' pinauwi sa Pinas


JEDDAH, Saudi Arabia – Pinauwi kaagad sa Pilipinas ang isang Pinay overseas Filipino workers (OFW) matapos itong takasan ng bait kahit mahigit dalawang buwan pa lamang nagtatrabaho bilang domestic helper sa bansang ito. Ayon kay OWWA Welfare Officer Romualdo Exmundo, mapalad pa kung tutuusin si Arlene (hindi tunay na pangalan) dahil naging mabait ang amo nito at sinagot ang kanyang pagbabalik sa Pilipinas. Ngunit dahil na rin sa kondisyon ni Arlene, 33-anyos, kinailangan siyang inihatid ni Vice Consul Lorenzo Jungco pabalik ng Maynila sakay ng Saudia airlines kasama ang ilan pang ipina-deport na OFWs. Sinabi ni Jungco na hindi naman bayolente ang kondisyon ni Arlene, tubong Mindoro, kaya hindi mahirapan ang paghatid sa OFW. Nagtungo umano si Arlene sa Saudi noong Agosto 2008 at nagtrabaho bilang domestic helper sa isang pamilya na arabo. Ngunit nakakaisang buwan pa lamang umano ito sa trabaho nang mapansin ng kanyang amo ang kakaibang pagkilos. Binigyan pa umano ng employer ng pagkakataon si Arlene na makarekober sa dinadamdam nito. Pero nang hindi magbago ay inihatid na siya sa konsulado ng Pilipinas noong Oktubre 15, ayon kay Exmundo. Sa kabila ng pagiging tahimik, nagawa pa umano ni Arlene na tumakas sa konsulado pero nakabalik din sa tulong ng mga pulis. Matapos ipasuri sa duktor, kinausap ng mga opisyal ng embahada ang amo ni Arlene upang suportahan ang pag-uwi nito sa Pilipinas. "Hindi mo talaga masasabi kung ano ang pwedeng mangyari sa ating mga kababayan na nakikipagsapalaran dito. Makikita mo ang halimbawa sa katauhan ni Arlene na dumating dito nang maayos at sa sandaling panahon lang ay bigla nag-iba ang kanyang katauhan," ayon kay Exmundo. Sa ngayon, mahigit umano sa 60 ang bilang ng mga distress na OFWs na pansamantalang nanunuluyan sa center sa OWWA habang naghihintay na maresolba ang kanilang mga kaso. Ilan umano sa mga ito ay may karamdaman din sa pag-iisip tulad kay Arlene. Matatandaan na isinusulong ng Department of Foreign Affairs na isailalim sa psychological examination ang mga aalis na OFW para magtrabaho bilang domestic helper. – Ronaldo Concha, GMANews.TV
LOADING CONTENT