Filtered By: Topstories
News

Escudero: Sakit ni Bolante 'dramatitis'


MANILA – Naniniwala si Sen. Francis Escudero na totoong may "sakit" si dating Agriculture undersecretary Jocelyn “Joc-Joc" Bolante na kung tawagin ay “dramatitis." “Malaki ang aking paniniwala na niloloko nito ang kanyang sakit. Umaaarte lang siya upang makaiwas sa pagharap sa Senado," ayon kay Escudero nitong Sabado. Sinabi ng mambabatas na pawang “garden-variety types" ang sakit ni Bolante na kahit ang mga bata ay pwedeng magkaroon. “Maraming tao ang may ulcer at high blood pressure, pero napapamahalaan nila nang maayos. Hindi ito nakapanghihinang sakit upang pigilan ang sinuman na gawin ang kanilang normal na gawain," paggiit ni Escudero na isang abogado. Idinagdag niya na maging ang ilang senador ay umiinom ng gamot para sa ulcer at hypertension ngunit hindi sila lumiliban sa kanilang trabaho sa Senado. Dahil sa pagda-drama, ginagawa lamang umano ni Bolante na parang “spa" ang St Lukes Medical Center sa Quezon City upang magpahinga habang dumidiskarte sa korte upang makaiwas sa imbestigasyon ng Senado. Inihalintulad din ni Escudero ang sitwasyon ng kalusugan ni Bolante kay North Korean dictator Kim Jong II na napaulat na inatake sa puso ilang buwan na ang nakararaan pero hanggang ngayon ay hindi pa makumpirma. "The big difference is that while Kim wants his people to believe that he is healthy, Bolante is going to great lengths to convince us that he is sick," puna ni Escudero. Si Bolante ang itinuturong nagmaniobra sa mahigit P700 milyon pondo para sa fertilizer project upang magamit sa kampanya ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo noong 2004 presidential elections. - GMANews.TV