advertisement
Filtered By: News
News

Paglutas sa mga kaso bibilisan -- DOJ Sec De Lima


MANILA – Inihayag ni Department of Justice Secretary Leila de Lima nitong Biyernes na nais niya mabura ang masamang paniniwala na mabagal ang paggulong ng hustisya sa Pilipinas. Nitong Biyernes ay ipinasa ni dating Justice Sec Alberto Agra kay De Lima, dating pinuno ng Commission on Human Rights, ang pamumuno sa DOJ sa isinagawang turnover ceremony sa Maynila. "All high-profile cases will be resolved expeditiously and competently — all unresolved cases that lend to the perception that the wheels of justice are not swift enough, that the DOJ is not firebrand," pahayag ni De Lima. Kabilang sa mga tinatawag na “high-profile" cases na hinahawakan ng piskal ng DOJ ay ang multiple murder case na isinampa laban sa mga Ampatuan kaugnay sa naganap na pagmasaker sa mahigit 50 tao sa Maguindanao noong Nov. 23, 2009. Inaasahang aabangan din ng publiko kung ano ang mangyayari sa kaso ni Senador Panfilo Lacson na sumuporta sa kandidatura ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III. Nagtago si Lacson mula nang ilabas ng isang korte sa Maynila ang arrest warrant laban sa senador kaugnay sa pagpatay sa publicist na si Salvador Dacer at sa drayber nitong si Emmanuel Corbito, na naganap noong Nov. 2000. Nitong Huwebes ay inihain naman sa DOJ ng militanteng grupong Bayan Muna ang kasong katiwalian laban kay dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, at ngayon ay kinatawan ng Pampanga sa Kamara de Representantes. Reporma sa DOJ Sinabi pa ni De Lima sa kanyang talumpati na hangad niyang alisin ang katiwalian sa ahensiya, palalakasin ang kakayahan ng mga tauhan nito, at rerepasuhin ang Witness Protection Program. "As CHR chair, I am well aware of [the WPP’s] failure to be 100 percent effective," pagdiin ng bagong kalihim. Bukod sa mga kawani at opisyal ng DOJ, dumalo rin sa sermonya ang ilang reteradong Supreme Court justices, at mga magulang ni De Lima na sina dating Commission on Elections commissioner Vicente de Lima at asawa nitong si Norma. Pinuri naman ni Agra ang paghirang kay De Lima na sinabing matagal na niyang kilala dahil sa kanilang propesyon bilang mga abogado. "In practice, she (De Lima) was known to be incisive, judicious, and incorruptible," ayon kay Agra na tumagal lamang ng apat na buwan sa puwesto bilang pinuno ng DOJ. Bukod kay Agra, kabilang sa mga naging kalihim ng DOJ sa nakalipas na siyam na taong administrasyon ni Arroyo ay sina Agnes Devanadera, Raul Gonzalez, Simeon Datumanong, incumbent Ombudsman Merceditas Gutierrez, at Hernando “Nani" Perez. Sa ginawang inagurasyon ni Aquino nitong Miyerkules, inatasan ng bagong pangulo si De Lima na ipatupad ang hustisya para sa lahat. "To those who are talking about reconciliation, if they mean that they would like us to simply forget about the wrongs that they have committed in the past, we have this to say: there can be no reconciliation without justice," ayon kay Aquino. Aminado si De Lima na nakaramdam siya "pressure" at tila nailagay sa " hot seat" sa ibinigay na direktiba ni Aquino. "The chief executive has made it a policy that the Justice department will administer nothing but true justice," ayon kay De Lima, na hinirang ng GMANews.TV na Public Servant of the Year in 2009. - GMANews.TV
LOADING CONTENT