advertisement
Filtered By: News
News

BPO industry ng Pinas, nanganganib dahil daw sa nakabinbing panukalang batas sa US


Nagbabala ang isang kongresista na posibleng bumagsak ang business process outsourcing (BPO) sa Pilipinas dahil sa isang panukalang batas na nakabinbin sa US Congress. Nitong Martes, iminungkahi ni Eastern Samar Rep. Ben Evardone kay Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III na magpadala ng lobby team sa Amerika para hindi maipasa ang House Bill (HB) No. 3596 o “Call Center and Consumers Protection Bill. Layunin umano ng panukalang batas na pigilan ang mga kumpanya ng US na magsagawa ng outsourcing business sa labas ng US, ayon kay Evardone, chairman ng House committee on public information. Nangangamba si Evardone na malaki ang magiging epekto sa ekonomiya ng Pilipinas kapag nakapasa sa US Congress ang naturang panukalang batas dahil umaabot sa $9 bilyon ang kinikita rito ng Pilipinas at tinatayang 400,000 Pinoy na nagtatrabaho sa mga BPO center. “We have to act immediately by sending a strong lobby team in the US. I believe this will kill the BPO industry in the country," babala ni Evardone. Ang naturang panukalang batas na nakabinbin sa US Congress ay sinasabing inihain ito nina Reps. Tim Bishop (Democrat, New York), David Mckinly (Republican, West Virginia), at Mike Michaud (Democrat, Texas). Dahil itinuturing election year ang 2012, sinabi ng kongresista na malaki ang posibilidad na maraming pulitiko o mambabatas sa US na pumabor sa mga popular na panukala gaya ng HB 3596. Ang pagbabawal umano sa mga US companies na mag-outsource ng kanilang negosyo sa labas ng Amerika ay mangangahulugan ng trabaho sa kanilang mga kababayan. Batay sa panukala, sinabi ni Evardone na kailangan ipaalam ng mga US companies sa US Department of Labor sa loob ng 120 araw ang kanilang offshore plans at iba pa. Pagkaraan ng 60 araw, pagmumultahin ang US companies ng $10,000 bawat araw kapag nabigo sila na ipaalam sa US Department of Labor kung saan nila inilipat ang kanilang mga negosyo. Ang Pilipinas ang nangunguna sa BPO para sa voice information at pangalawa sa pagkakaloob ng serbisyo, ayon kay Evardone. “We have to protect and promote our BPO industry, which is now the largest in the whole world. We have already overtaken by India in voice information technology-BPO. We are number two in the world in complex, non-voice services in range of sectors and services, like animation development and software processing," paliwanag niya. Bukod sa BPO, ang ipinapadalang pera ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sa pamamagitan ng remittances ang itinuturing susi ng malakas na ekonomiya ng Pilipinas sa kabila ng mga nararanasang krisis sa pananalapi ng US at Europe. “We need afford to lose our competitive advantage in the field of BPO. We need to protect, nurture and support the BPO industry, one of the main lifeblood of our economy," ayon kay Evardone. - FRJ, GMA News
LOADING CONTENT