Filtered By: News
News

Comelec, inusisa sa paghahanda sa 2013 mid-term elections


Habang nakatuon ang atensiyon ng publiko sa impeachment trial ni Supreme Court Chief Justice Renato Conato, nais naman malaman ng tagapagsalita ng Nacionalista Party (NP) kung anong paghahanda ang ginagawa ng Commission on Elections (Comelec) para sa May 2013 elections. Sa isang pahayag nitong Miyerkules, sinabi ni Robert Ace Barbers, spokesman ng NP, na mas makabubuti kung maagang makapaghahanda ang Comelec sa 2013 mid-term elections lalo na kung automated system pa rin ang gagamitin. Sinabi ni Barbers na dalawang automated system ang maaaring pagpilian ng Comelec – ang dating Precinct Count Optical Scan (PCOS) o ang Central Count Optical Scan (CCOS). “Perhaps in the next coming weeks, the poll body under the able stewardship of Commissioner (Comelec chairman Sixto) Brillantes, would already know what technology to use and subsequently conduct formal pre-qualification and actual bidding very soon," ayon kay Barbers, dating kongresista at gobernador ng Surigao del Norte. Iginiit niya na hindi na umano dapat maulit ang nangyari sa 2010 presidential elections kunsaan nagkumahog ang Comelec sa automated elections dahil sa kakapusan ng panahon sa pagsasanay at paghahatid ng mga makina sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Idinagdag ng NP spokesman na noong nakaraang taon ay nagbigay ng direktiba si Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III sa Comelec Advisory Council (CAC), na magsumite sa kanya ng rekomendasyon sa ikalawang linggo ng 1012 tungkol sa kung anong sistema ng halalan ang gagamitin sa 2013 elections. “January has come and gone and February has already rolled in and yet there’s no stirring of bid documents in the Comelec," ayon kay Barbers. Pangamba niya, gaya sa mga nagdaang malalaking bidding na isinagawa ng gobyerno, hindi naiiwasan na magkaroon ng protesta sa mga natatalong bidders na umaabot sa korte ang usapin na magpapabagal sa proseso na maaaring maganap uli sa poll automation. 'Sisimulan naman agad' Inihayag naman ni Atty James Jimenez, tagapagsalita ng Comelec, na balak ng komisyon na isagawa nang maaga ang bidding process sa teknolohiyang gagamitin sa 2013 polls. Aminado si Jimenez na medyo natagalan ng isang buwan ang ginawa nilang paghahanda sa 2010 election kung saan isinagawa ang bidding sa mga makina noong 2009. Isinagawa ng Comelec ang paghahanda sa 2010 elections noong Marso 2009 sa pamamagitan ng bidding sa Terms of Reference (TOR) na nagkakahalaga ng P1 milyon. Pero Mayo na nang iutos ng Comelec ang pagsusumite at pagbubukas para sa mismong poll automation project na nagkakahalaga ng P11.3 bilyon na napanalunan ng joint venture ng Smartmatic at Total Information Management Inc (TIM). Sinabi ni Jimenez na inirekomenda ng CAC ang paggamit ng Optical Mark Reader (OMR) para sa 2013 elections. Pero hindi pa napagdedesisyunan kung POCS o CCOS ang sistemang gagamitin. Sa kabila nito, umaasa si Barbers na hindi kakapusin sa panahon ang Comelec sa automated system sa 2013 upang hindi na bumalik sa manual system ang halalan. -- FRJ, GMA News