advertisement
Filtered By: News
News

Batas na nagbabawal sa pagdura sa mga pampublikong lugar, sinuportahan


Sinuportahan ng lokal na pamahalaan ng Balanga, Bataan ang isinusulong na panukalang batas sa Kongreso na ipagbawal ang pagdura sa mga pampublikong lugar. Ayon kay Balanga City Vice Mayor Noel Valdecanas, noon pang 2008 ay nagpasa na ng ordinansa ang Sangguniang Panlungsod para ipagbawal ang pagdura sa kanilang mga pampublikong lugar “Nakatutuwa na isasabatas sa buong bansa ang kautusang ito na napakaganda at makakatulong ng malaki sa kalusugan ng mamamayan," ayon kay Valdecanas. Sinabi ng bise alkalde na ipinasa nila ang naturang ordinansa noong September 2008 sa layuning pigilan ang pagkalat ng sakit na tuberculosis. Sa 12 miyembro ng SP, 11 ang pumirma sa naturang ordinansa na inaprubahan naman ni Mayor Jose Enrique Garcia III. Nakapaloob sa ordinansa na maaari lamang dumura sa isang basurahan na may takip. Kailangan din magtakip ng bibig at ilong kapag babahing. Ang mga hindi susunod sa ordinansa ay papatawan ng multang P50 sa unang paglabag; P100 sa ikalawang paglabag; at P150 sa ikatlong paglabag. Maging ang mga kawani ng munisipyo at pribadong mamamayan at katuwang ng pulisya sa pagpapatupad ng naturang ordinansa. Bill sa Kamara Sa Kamara, naghain si Partylist Rep Eulogio Magsaysay ng House Bill 5901, na naglalayong ipagbawal ang pagdura ng laway o anumang nasa bibig sa mga pampublikong lugar. Saklaw nito ang mga kalye, eskinita, bangketa, mga parke, mall, pamilihan, tulay at iba pang lugar na puntahan ng mga tao. Ang mga lalabag ay pagmumultahin ng P500 sa unang pagkakataon; P1,000 sa ikalawang pagkakataon; at P2,000 sa ikatlong pagkakataon na may kasamang pagkakakulong ng anim na buwan o pagdalo ng health seminar. -- Ernie Esconde/FRJ, GMA News
LOADING CONTENT