Filtered By: Topstories
News

Sino si ‘Jones’ na ipinangalan sa Jones Bridge?


Alam niyo ba kung bakit ipinangalan sa isang mambabatas sa Amerika ang sikat na tulay sa Binondo, Maynila na kung tawagin ay Jones Bridge? Bago tinawag na Jones Bridge, ang tulay na ito na minsan ding tinawag na “Queen of the Bridges" ng Maynila, ay dating kilala sa pangalang Puente de España o Bridge of Spain. Sinasabing unang ipinatayo ito ng mga Kastila noong 1701. Pero nang mailipat sa Amerika ang pamamahala sa Pilipinas at isailalim sa rehabilitasyon ang tulay noong 1916, tinawag na itong “Jones Bridge." Ito ay bilang pagpupugay kay William Atkinson Jones, isang kongresista sa Amerika, na naging pinuno ng US House Committee on Insular Affairs na may hurisdiksyon sa Pilipinas at Puerto Rico. Si Jones ang may-akda sa Kongreso ng Philippine Autonomy Act of 1916, na tinatawag ding “Jones Law." Dahil sa kanyang ipinasang batas, napagkalooban ng karapatan at kalayaan ang mga Pilipino sa pamamahayag, relihiyon at iba pa. - FRJ, GMA News

Tags: pinoytrivia